NASA huling bahagi na ng kanyang pagsasanay si dating Filipino WBO bantamweight titlist Marlon “Maranding Nightmare” Tapales para sa pakikipagtuos kontra undefeated at unified WBA/IBF junior featherweight champion Murodjon “MJ” Akhmadaliev ng Uzbekistan sa Abril 8 sa Boeing Center sa Tech Port sa San Antonio, Texas sa Amerika.
Pukpukan sa training ang 30-anyos na si Tapales (36-3, 19KOs) na nakipag-sparring kina dating world champion Jerwin “Pretty Boy” Ancajas at unbeaten Jade “Hurricane” Bornea.
“Sobrang pinagsisikapan ko talaga ng buong puso ito kasi siyempre para sa akin, para sa future ko, para sa team ko rin, sa mga taong humahanga at sumusuporta sa akin, gustong-gusto ko talagang manalo sa laban na ito. Preparado na ako at tingin ko wala namang kulang, lalaban na lang talaga,” paliwanag ni Tapales.
Naitakdang mandatory challenger ang tubong Tubod, Lanao del Norte matapos nitong pabagsakin sa bisa ng second round knockout si Hiroaki Teshigawara noong Disyembre 11, 2021. (Gerard Arce)