Tinatayang nasa 60% na ang ginagawang paglilinis ng Philippine Coast Guard (PCG) sa oil spill na kumalat sa Oriental Mindoro dahil sa paglubog ng MT Princess Empress noong nakalipas na buwan.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PCG Vice Admiral Rolando Punzalan Jr. na puspusan ang ginagawang paglilinis ng kanilang tropa kasama ang mga residente at volunteer para makuha ang lahat ng langis na kumalat sa dagat.
“Nasa 60% na po ang ating progreso. So this is a good progress sa ating pagtatanggal ng langis sa mga naapektuhang coastlines,” ani Punzalan.
Batay sa ginawang inspection mula sa lumubog na barko, nakita ang limang tangke na may structural damage at wala nang langis na lumalabas pa mula sa mga ito. Mayroon pa aniyang tatlong tangke na hinihinalang may laman pa subalit hindi na kasingdami ng orihinal na laman nito dahil sa posibilidad na tumagas na rin. (Aileen Taliping)