WebClick Tracer

NEWS

Maynilad palusot sa palyadong serbisyo

Nagpaliwanag ang Maynilad Water Services Inc. kung bakit madalas magkaroon ng water interruption ang kanilang serbisyo kumpara sa Manila Water Inc.

Sa isang press conference nitong Huwebes, sinabi ni Maynilad spokesperson Ronald Padua na maraming bagay kung bakit madalas magkaroon ng water interruption ang mga consumer ng kompanya.

Sabi ni Padua, mas marami silang sineserbisyuhang customer, 300 milyong litro ng tubig ang nasasayang dahil sa leak, walang malaking storage facility tulad ng La Mesa Dam at 50 cubic meters per second lang ang nakukuha sa Angat Dam na balak pang ibaba sa 48 cubic meter per second.

“Mas marami ang customer namin. Hindi namin maide-deny, mas malaki ang losses namin kaysa sa aming network. But then again hindi siya apples to apples comparison. Kami po 10 years younger or huli kami ng 10 years sa kanila. Kaya konti pa lang ‘yong napapalitan na tubo namin, nasa 70%. Sila kung tama ang pagkakaintindi ko, almost 100% ng lumang tubo napalitan nila,” paliwanag ng opisyal.

“Mas challenging ‘yong area namin sa west zone na medyo mas matao na lugar. So ‘pag pinagsama-sama itong lahat ito ‘yong epekto kung bakit hindi sila apektado nitong pagbaba ng pagdating ng tubig dito sa La Mesa dam,” dugtong pa ni Padua.

Umaapela ang Maynilad sa National Water and Resources Board (NWRB) na pagbigyan ang kanilang hiling na taasan ang alokasyon ng tubig para sa kanilang kompanya dahil ang leak repair daw na ginagawa nila ay aabutin pa ng ilang buwan para maramdaman ang benepisyo.

Ayon sa Maynilad, posibleng humaba ang water interruptions at mas maraming tao ang maaapek­tuhan kung hindi mapagbibigyan ang hiling nila na itaas ng NWRB ang alokasyon ng tubig sa NCR.

Sa online talk naman sa Facebook na inorganisa ng Muntinlupa City Public Information Office, pinaliwanag nina Greg Antonio, head ng Water Production Department ng Maynilad, at Harold Lopez, head ng Muntinlupa-Las Piñas business area na pangunahing problema nila ang water turbidity o paglabo ng tubig sa Laguna Lake dahil sa hanging amihan.

“Sa ngayon wala pa po kaming concrete basis doon sa cause ng paglabo pero yung evidence lang po nong visual. ‘Yon lang po ang nakikita namin,” sabi ni Antonio.

Nagpapagawa ng ikatlong water treatment plant ang Maynilad sa Brgy. Poblacion sa Muntinlupa.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)
This breaking news is brought to you by:

Una sa Balita

Popular sa ABANTE

TELETABLOID

Follow Abante News on