WebClick Tracer

Abante VISAYAS / MINDANAO

Barko nagliyab sa Basilan, higit 30 natsugi

Abot sa 31 katao ang kumpirmadong nasawi habang 230 iba pa ang nailigtas nang masunog ang isang pampasaherong barko malapit sa Basilan Island noong Miyerkoles nang gabi.

Ayon sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), galing sa Zamboanga City ang M/V Lady Mary Joy 3 at patungong Jolo sa Sulu nang sumiklab ang sunog sa accommodation sa second deck ng barko habang nasa karagatan ito na sakop ng Baluk-Baluk Island, Hadji Muhtamad, Basilan bandang alas-10:40 nang gabi.

Dahil dito, nagtalunan sa tubig ang karamihan sa mga biktima at 10 rito ang nalunod habang ang iba ay nailigtas sa search and rescue operation ng Philippine Coast Guard (PCG).

“People panicked because they were asleep when the fire happened.” ayon kay PCG Commodore Rejard Marfe.

Hindi rin aniya overloading ang dahilan ng sunog sa barko dahil abot sa 403 pasahero ang kayang isakay dito.

Samantala, sinabi ni Basilan Governor Jim Saliman na 18 bangkay naman ang natagpuan ng mga rescuer na nagsisiksikan sa isang air-conditioned na cabin.

Sa naunang ulat, pitong pasahero pa ang nawawala at target ng search and rescue operation.

Sinabi ni Marfe na posible pang madagdagan ang bilang na ito dahil lagpas sa 205 na nakalista sa manifesto ng barko ang lulan nitong mga pasahero.

Nabatid na may kabuuan na 195 pasahero at 35 crew member ang sakay ng barko.

“Probably there are passengers who didn’t register in the manifest,” dagdag nito.

Samantala, dinala sa Zamboanga City Medical Center at Basilan General Hospital ang mga survivor na nagtamo ng mga paso sa katawan.

Binabantayan na ng PCG ang posibleng oil spill dulot ng trahedya.

Iniimbestigahan pa ang dahilan ng sunog. (Catherine Reyes)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on