Hiniling ni Senador Robin Padilla sa liderato ng Senado na makipag-usap sa Kamara para talakayin ang paraan ng pag-amiyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.
“Mula sa mga sumusunod, akin pong buong pusong hinihiling na magkaroon ng hakbangin ang pamunuan ng ating mahal na Senado sa ilalim ng inyong pangunguna upang tugunan ang mungkahi ng Kamara na buksan ang pag-uusap at talakayan ukol sa mga panukala para sa kalinawan ng nakabinbing usapin sa ating mga kababayan,” pahayag ni Padilla sa kanyang liham kina kina Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri, Senate President Pro Tempore Loren Legarda, Majority Leader Joel Villanueva at Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III.
Aniya, nagpahayag na si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na bukas ang Kamara na talakayin ang modo ng pag-amiyenda ng Saligang Batas na Constituent Assembly.
“Buong galang akong humihiling at umaapela para sa isang sama-samang pagsisikap tungo sa pagkamit ng kolektibong layuning ibangong muli ang nakasadlak na ekonomiya ng bayan,” dagdag niya.
Namuno si Padilla sa walong hybrid public hearings ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes para talakayin ang mga mungkahi para amiyendahan ang economic provision ng Saligang Batas. Ginanap ang mga pagdinig sa Senado at sa mga lungsod ng Baguio, Davao at Cebu.
Tinutulak ni Padilla ang pag-amiyenda sa economic provisions ng Konstitusyon sa pamamagitan ng Constituent Assembly na maaaring isabay sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa darating na Oktubre. (Dindo Matining)