SUMIPA ng pitong medalya ang Philippine national vovinam squad na nilahukan ni dating wushu athlete at boxer Hergie Bacyadan na nakasungkit ng medalya sa katatapos lang na 6th Southeast Asian Vovinam Championships na ginanap sa Phnom Penh, Cambodia.
Napagwagian ng dating 2019 Asian Championships at 2022 Thailand Open gold medalist na si Bacyadan ang isa sa anim na tansong medalya ng bansa matapos makapwesto sa women’s 65kgs category sa sparring event.
Ito na ang ikatlong sporting event ni Bacyadan matapos na umalis sa wushu at national boxing team nitong taon dahil umano sa personal na rason, ayon sa pahayag ni Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) secretary-general Marcus Jarwin Manalo.
Nakapagbulsa naman ng silver medal si Emmanuel Cantores sa men’s 60kgs sparring, habang nagwagi rin ng tansong medalya sina Kristine Baguio at Janah Lavador sa women’s pair knife form, at sa kanilang mga napiling indibiduwal na events sa women’s sword at broad sword.(Gerard Arce)