Upang mas matutukan umano ang pagkain ng tama, itinulak sa Kamara de Representantes na gawing Komisyon ang National Nutrition Council (NNC) upang mas magawa nito ang kanilang mandato.
Ayon kay AGRI party-list Rep. Wilbert Lee dapat masuportahan ang ahensiya upang matutukan ang problema sa malnutrisyon sa bansa na nakakaapekto rin sa pag-unlad ng ekonomiya.
Bukod sa pagpapalaki ng ahensiya, sa ilalim ng panukalang Nutrition Act (House Bill 7586) ay lilikhain ang 10-year Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN) na siyang magiging gabay upang matugunan ang problema sa malnutrisyon.
Mula nang itayo ang NNC noong 1974, sinabi ni Lee na nanatili sa 150 ang tauhan nito sa buong bansa na nagtutulong-tulong para sa paggawa ng polisiya, koordinasyon sa iba’t ibang ahensiya at pagbabantay sa mga nutrition program sa national at regional level. (Billy Begas)