WebClick Tracer

SPORTS

Joan Doguna, Lady Pirates sunod na itutumba Perpetual

SINIKWAT ng Lyceum of the Philippines University (LPU) Lady Pirates ang panalo kontra Mapua University Lady Cardinals sa malaking tulong ni Joan Doguna na lumikha ng game-high 22 puntos upang dumiretso patungo sa susunod na stepladder semifinal round sa bisa ng 25-18, 25-23, 29-31, 27-25 panalo Linggo sa 98th National Collegiate Athletic Association (NCAA) women’s volleyball tournament sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Kinana ni Doguna ang 21 puntos mula sa kanyang atake, habang sinuportahan ito nina Johna Dolorito sa 14 puntos, galing sa 13 atake at isang block, kasama ang 11 excellent reception at siyam na digs.

Dahil sa nakuhang panalo ay kakaharaping sunod ng Lady Pirates ang No. 2 University of Perpetual Help System Dalta Lady Altas sa susunod na round ng semifinals sa Miyerkoles, habang naghihintay ang defending champion at unbeaten na De La Salle-College of Saint Benilde Lady Blazers sa best-of-three championship round.

Minsan nang yumuko ang Lady Pirates kontra Lady Altas sa kanilang unang pagtatapat sa eliminasyon na nagresulta sa straight set na panalo ng Las Pinas-based squad, 21-25, 13-25, 22-25, sa pangunguna nina Mary Rhose Dapol at Shai Omipon.

Tatapusin naman ng Lady Cardinals ang kanilang kampanya na may 6-3 kartada, katabla ang LPU, para sa ika-apat na pwesto at unang pagpasok sa semifinals.

Nasayang ang pinaghirapan ni Roxie Dela Cruz sa team-high 20 markers mula sa 19 atake, kasama ang 13 digs at apat na receptions, na sinuportahan ni Therese Manalo sa 15 points mula lahat sa atake.

Samantala, natakasaan ng San Beda Red Lions ang mahigpit na fourth set kontra Emilio Aguinaldo College Generals upang makuha ang 25-22, 25,27, 25-16, 26-24 sa sarili nilang stepladder semifinal battle sa men’s volleyball tournament. (Gerard Arce)

Anong masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on