Natuklasan ng Senate committee on energy ang posibleng korapsyon sa bentahan ng kuryente sa bansa.
Nangyayari ang posibleng korapsyon sa over contracting ng mga distribution utility (DU) at electric cooperative (EC) sa mga nagsu-supply ng kuryente sa bansa.
“Ang daming tinatawag na over contracting. For example, ang kailangan mo lang let’s say 1,000 megawatts, ang kinokontra nila 1,500. ‘Yong 500 binabayaran, tsina-charge sa consumers ‘yon,” pagsiwalat ni Senador Sherwin Gatchalian sa DZBB nitong Linggo.
Aniya, dapat rebyuhin ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang kontrata ng mga DU at EC patawan ng multa dahil kinakawawa nila ang mga consumer sa karagdagang bayarin sa kuryente.
“Kaya nanawagan din kami sa ERC na i-review ‘yong mga existing contract at pagmultahin ang distribution utilities na nag-over contracting dahil ng kawawa diyan ‘yong consumer eh,” ayon sa senador.
“At kung mayroong corruption dapat mag-file ng criminal charges dahil itong mga board of directors ng distribution whether private or EC eh huwag silang mag-o-over contract dahil consumers ang sasalo niyan,” giit pa ng mambabatas.
Nauna rito ay hiningi ni Senador Raffy Tulfo, chairman ng energy committee, sa ERC ang listahan ng higit 20 DU na walang aprobadong power supply agreement.
Kapag hindi aprubado ng ERC ang PSA ng DU o EC, malaki ang posibilidad na mataas ang sinisingil na kuryente sa mga consumer.