WALASTIK ang tubong Batangas na si Clevic George Daluz, na nanguna sa limang promising tanker para sa Most Outstanding Swimmer (MOS) Awards matapos mamayagpag sa tatlong event ng kani-kanilang age-group sa pagtatapos ng COPA-Golden Goggle Leg 1 at 2 kahapon sa Teofilo Yldefonso swimming pool sa loob ng Rizal Memorial Sports Center (RMSC) sa Maynila.
Hanep ang walong-taong gulang na grade 1 ng Agustin Ramos Memorial Elementary School sa Balayan sa boys 8 years old class 50-m backstroke sa tiyempo ng 51.03 segundo at 100-m breaststroke (2:01.11) matapos ang pagwawagi sa 200-m freestyle (3:36.78) sa opening day nitong Sabado sa event na pinalakas ng Speedo at suportado ng Philippine Sports Commission at MILO.
“Masaya po ako kasi nabigyan ko ng medals ang team namin at ang mama at papa ko,” lahad ni Daluz ng Balayan Tigers Swim Team.
Tampok din ang triple gold winner na sina Marcus Pablo, John Rey Lee, Samantha Mia Mendoza at Jamie Aica Summer Sy.
Lahat sila ay kwalipikado para sa Luzon Championship sa Agosto kung saan ang mga nangungunang manlalangoy ay makakasagupa ng pinakamahuhusay na atleta mula sa Visayas at Mindanao Regional Championship ng torneo na inorganisa ng Congress of Philippine Aquatics, Inc. (COPA) na pinamumunuan ni swimming icon Batangas 1st District Congressman Eric Buhain.
Si Pablo, na nanalo rin sa boys 7YO class 200-m freestyle (4:14.17) nitong Sabado, ay muling nagwagi sa 50-m back (1:00.01) at 100-m breast (2:14.28); habang nasungkit ni Lee ang pinakamataas na karangalan sa 9YO age group matapos manalo sa 100-m breast (2:10.26), 50-m back (52.33) at 200-m free (3:17.50).
Ang ipinagmamalaki ng Coach King Swimming Team na si Mendoza ang nanguna sa girls 8YO Class 100-m breast (2:13.77); 50-m breast (55.29) at 200-m free (3:23.73), habang tinapos ni Sy ang kanyang performance sa girls 12YO class na nanalo sa 100-m breast sa tiyempong 1:41.87. Nagwagi rin siya sa 50-m back (38.68) at 200-m free (2:43.10).
“Ginagawa ng COPA ang lahat para sa pagpapaunlad ng swimming. After our regional championships for Luzon, Visayas and Mindanao, meron tayong National Championship sa November. We are also in close coordination with our friends abroad for an international-flavored event na tayo ang host at hindi tayo ang gagastos para bumiyahe pa. Tuloy-tuloy din iyung coaches education program natin,” sey ni COPA treasurer and event director Chito Rivera.
Magpapatuloy ang Leg 3 at 4 ng torneo sa Abril 22-23.
Ang iba pang nagwagi ay sina Keisha Blair ng Flying Lampasot sa girls 14-year class 50-m back (35.39); Marie Rejuso sa 15YO (34.11); Dane Urquico sa 16YO (34.38); Fie Dolliente sa 17YO (35.15); Dianna Cruz sa 18YO (33.73);
Ivoh Gantala sa boys 12YO 200-m butterfly (3:09.38); Mark Perez sa 13YO (2:49.41); Clyde Jose sa 14YO (2:32.29); Antonio Reyes sa 15YO (2:40.13); Meynard Marcelino sa 16YO (2:23.230; Angelo Sadol sa 17YO (2:16.76) at Kent Cagape sa 18-over category (2:15.08). (Abante Sports)
Clevic George Daluz