WebClick Tracer

OPINION

Ayuda sa CamSur

Kamakailan lang ay bumisita sa aming probinsya sa CamSur ang ating mahal na Pangulong Marcos at tayo po ay lubos na nagpapasalamat sa kanyang pagdalaw dahil na rin sa matinding ayuda na nakuha ng aming probinsya.

Malaking bagay ang pagdalaw ni Pangulong Marcos na para sa amin ay patunay ng kanyang pangakong pagkakaisa at ang pagbangon muli ng ating mga kababayan. Pinasinayaan po ng Pangulo ang dalawang proyektong pabahay na aabot sa mahigit 20,000 units combined.

Nakakaproud din po talaga lalo na ang housing project na unang binisita ni Pangulong Marcos dahil ito ay ang kauna-unahang partnership with a provincial local government unit (LGU) sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program. At ito po ay na sa pagtutulungan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at ng provincial government ng CamSur sa pamumuno ni Gov. Luigi Villafuerte.

Kapag nakumpleto ang 4PH housing project, ito po ang magiging pinakamataas na istraktura sa buong Bicol. Magkakaroon po ito ng 25 palapag na mas mataas pa sa kasalukuyang pinakamataas na gusali sa rehiyon na mayroon lamang 20 palapag.

Kami ang unang lalawigan na nag-ground breaking ng ganitong proyekto at ang launching na ito rin ang pinakamalaki dahil sinaksihan ito ng mahigit 3,000 katao. Sobra talagang nakaka-proud kaya naman maraming, maraming salamat po sa ating Pangulo.

Sa ilalim ng proyektong ito, 5 residential towers na may kabuuang 10,000 units ang itatayo sa 6-ektaryang lupain sa Panganiban Drive sa Naga City. Magtatayo rin ng 4 commercial buildings sa paligid ng residential towers para magkaroon ng access ang magiging residente nito sa pangunahing pasilidad tulad ng mga eskuwelahan, medical facilities at mga pamilihan.

Inaasahang mahigit 10,000 pamilya o 50,000 tao po ang mabibigyan nito ng bahay at makapagbibigay pa ito ng P6 bilyon hanggang P8 bilyong local economic activity na lilikha ng libu-libong trabaho.

Kaya naman ating pinagmamalaki itong big partnership na ito sa pagitan ng ating lokal na pamahalaan ng CamSur at ng national government.

Bukod sa proyektong pabahay, pinasinayaan din ng Pangulo ang paglulunsad ng kauna-unahang Kadiwa center na naitayo sa kabikolan sa ilalim ng Marcos administration. Kaya makakabili na ang ating mga mahihirap na kababayan ng mga pangunahing bilihin sa murang halaga.

Ang bentahan po ng bigas sa tinatawag na Kadiwa ng Pangulo ay P25 kada kilo, kaya nalalapit na ngang maisakatuparan ang campaign promise ng Pangulo na maibaba sa P20 kada kilo ang bigas. Ito ay napakagandang bakita para sa ating mga consumers, di po ba?

Bukod po dito, namigay din ang Pangulo ng mahigit P100 milyon na halaga ng ayuda sa mga magsasaka, mangingisda at mga nasalanta ng pagbaha. Binisita rin ni Ginoong Marcos ang P230-milyong Sustainable Agriculture and Fishery Enterprises (SAFE) Innovation Hub, na isang world-class coconut processing and marketing center sa Barangay San Jose sa bayan ng Pili, na siyang kabisera ng CamSur.

Bukod sa cash ayuda, ang mga pinamahagi ng Pangulo ay mga livelihood grants and kits; pautang sa micro, small and medium enterprises (MSMEs); fertilizer discount vouchers at mga makinarya sa pagsasaka tulad ng rice transplanters at harvesters para sa mga magsasaka, plastic boats sa mga mangingisda, sa mahigit isang libong mga benepisyaryo na dumalo sa Kafuerte Sports Complex sa bayan ng Pili.

Kung tayo po ay masayang-masaya, ang Pangulong Marcos ay masaya rin. Sabi nga niya, “Of course … I am happy to be here, to be able to see na marami na yung ginagawa. It’s good to be able to come out and actually see for yourself. I suppose that I can attribute that support that people are showing … the enthusiasm is because I hope that they can see na kung ano man ang pinangako namin noong kampanya talagang sinubukan namin ipatupad lahat ng aming sinasabi.”

Gaya nga po ng nasabi ko, itong pagbisita ni Pangulong Marcos ang bagong patunay na tinutupad niya ang kanyang pinangako nung panahon ng kampanya na pagkakaisa at pagpapabuti ng buhay ng mga Pilipino.

Kung inyo pong maalala, ang isang naging katunggali noong nakaraang halalan ay ang aming kabayan sa Camsur na si dating Bise Presidente Leni Robredo. Kaya hindi natin inaasahan na bigyan ng prayoridad ni Ginoong Marcos ang aming probinsiya. Subalit hindi makalumang politiko ang ating Pangulo, kaya minarapat nyang kalimutan na ang nakaraang halalan, isantabi ang pulitika at bumisita sa amin, bilang pagtupad sa campaign promise nya na makamit ang national unity.

Tama po talaga iyang bagong pulitika ni Pangulong Marcos dahil hindi po natin makakamtan ang national peace at ang todo-todong pag-unlad ng Pilipinas kung tayo ay mananatiling mababaon sa bangayan o political divisiveness.

Kaya di na tayo kailangang magtaka pa kung bakit mataas ang performance at satisfaction ratings ni Pangulo sa Social Weather Stations (SWS) survey. Nabigyan siya ng “very good” net satisfaction rating na +68 base sa SWS survey na ginawa noong December 2022.

Meron pong net +68 na nagsasabi na sila ay nasisiyahan sa pagganap ng tungkulin ni Pangulong Marcos. Mas mataas ito sa October 2022 survey kung saan nakakuha din ang Pangulo ng +63 na ‘very good’ din. Kung pagbabatayan natin ang net satisfaction rating ng SWS, konti na lang po ay abot na ng Pangulo ang “excellent.”

Hindi din naman tayo nagtataka kung bakit ang ating mga kababayan ay positibo ang pananaw na gaganda ang ating ekonomiya at aayos ang buhay sa mga darating na taon. Dahil sa ilalim po ng pagtitimon ng Pangulo sa bansa ay talagang ipinapakita niya na tinutupad niya ang kanyang mga naipapangako na maisulong ang progreso sa buong bansa. Sabi nya nga noong kampanya: “Bangon Bayan Muli.”

May 81 probinsya ang ating bansa pero pinili po ng mahal nating Pangulo na bisitahin ang aming lalawigan na naging pinaka-unang probinsya na lumagda ng Memorandum of Agreement (MOA) sa ilalim ng pabahay program ng Pangulo.

Ang pagdalaw po ng Pangulo sa aming lalawigan ay napakalaking patunay na nais niyang makamit na ng bansa ang national healing at reconciliation, na sya namang magiging daan sa ating mabilis na pagunlad at masaganang buhay para sa lahat.

At tayo ay patuloy na umaasa na magtutuloy-tuloy na ito at titindi pa ang mga magandang pagbabago sa mga darating na taon sa pamumuno ni Pangulong Marcos.

Pero hindi po makakamit ng Pangulo ang pangarap niya at pangarap nating lahat na pag-unlad kung hindi natin ibibigay ang buong suporta sa kanya. Ang lahat ng pagsisikap ng Pangulo ay para sa lahat, para sa bawat Pilipino. Wala itong pinipiling kulay.

Ibigay po natin ang ating kooperasyon, ang ating pakikiisa upang makamit ang sama-samang pag-unlad.

Anong masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on