WebClick Tracer

SPORTS

Aby Marano, F2 kumatok sa bronze

Mga laro Martes:

(Mall of Asia Arena, Pasay City)

Game 2: Battle-for-Bronze

4:00pm — F2 Logistics vs PLDT

Game 2: Best-of-three Finals

6:30pm — Creamline vs Petro Gazz

IKINARGA ng F2 Logistics Cargo Movers ang unang panalo para mamuro sa third place finish sa tulong ng beteranong middle blocker na si Aby Marano upang itaob ang PLDT High Speed Hitters sa iskor na 20-25, 25-22, 25-18, 25-17 sa Game 1 ng 2023 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference battle-for-bronze Linggo ng hapon na dinaluhan ng 11,314 manonood sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nadiskarga man sa unang set ang Cargo Movers matapos ang malinaw na koneksiyon ng PLDT, nabuhay naman ang determinasyon ni Marano sa second set upang pangunahan ang atake at depensa ng koponan nang ilista nito ang 19 puntos mula sa 14 atake at limang blocks.

Pinangunahan ni Kim Kianna Dy ang opensa sa 20 points mula sa 15 atake, tatlong blocks at dalawang aces, gayundin ang ambag ni Ara Galang na 13 points mula sa matinding anim na blocks, apat na atake at tatlong aces at Kim Fajardo na namahagi ng 21 excellent sets at tatlong puntos.

Nangibabaw nang husto ang matinding depensa ng Cargo Movers nang itala nito ang 18 blocks kumpara sa anim ng PLDT, kabilang ang walong aces matapos maging dikitan ang atake ng parehong koponan sa 48-47.

“Siguro noong first part ng game nag-aadjust pa kami, and then nang medyo nakakasabay na kami, come second set na-feel ko na iyung fire kaya for the go na,” pahayag ni Aby matapos ang laro, kung saan nanonood ang dating coach na si Ramil de Jesus.

Sakaling mapagwagian ng F2 ang third place, ay maaari ito na ang pinakamataas na pwestong makukuha nito sa liga matapos na maging parte ng liga noong 2022 season at mahigitan ang fifth place finish sa Reinforced Conference

Asam naman ng PLDT na mahigitan ang ika-apat na pwesto sa 2022 Invitational Conference.

Muling maghaharap ang dalawang koponan, Martes, upang alamin kung makukuha ng F2 ang third place o hihirit pa ang PLDT. (Gerard Arce)

Anong masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on