Mula sa dating 120, nadagdagan pa ng 34 ang mga estudyante ng Gulod National High School-Mamatid Extension na nagkasakit matapos lumahok sa fire drill habang nasa kainitan noong Huwebes sa Cabuyao, Laguna.
Ayon kay City Disaster Risk Reduction and Management (CDRRMO) chief Bobby Abinal Jr., pumasok pa rin sa eskuwela noong Biyernes ang mga batang nagkasakit kahit sinuspinde na ni Cabuyao Mayor Dennis Hain ang klase para makapagpahinga ang mga bata.
“Wala pong dapat pumasok dahil ‘yun ang usapan namin ng principal, wala munang papasukin. Batay sa instruction ni Mayor Hain, iko-cordon ang area habang iniimbestigahan ang insidente,” dagdag ni Abinal.
“Hindi nasunod ang usapan kaya mismong si Mayor na ang nagpauwi sa mga bata. May hinimatay na isa, mamaya tatlo na naman. Sunod-sunod na ‘yun. Bale lahat-lahat ay nasa 34 nu’ng araw lang na ‘yun,” ani Abinal.
Mula sa 120 nahilong bata, 83 ang dinala sa ospital noong Huwebes dahil sa gutom at dehydration. Nagpatulong na rin si Hain sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) para sa air tests sa lugar.
Hgit 2,000 estudyante mula Grade 8, 9, 11 at 12 ang lumahok sa aktibidad mula ala-una hanggang alas-3:30 nang tanghali na abot sa 39 hanggang 42 degrees Celsius ang heat index. (Catherine Reyes)