Magandang araw muli, mga kababayan kong Bicolano! Ngayong buwan ng Marso, ipinagdiriwang natin ang International Women’s Month!
Nagpapasalamat po tayo sa lahat ng mga kababaihang patuloy na naglilingkod at nagmamalasakit sa ating bansa at kapwa.
Hindi madali ang mga hamon at pagsubok na ating kinakaharap, kaya’t lubos nating hinahangaan ang kanilang dedikasyon at pagsisikap. Mahalaga ang pagkilala sa kakayahan at kontribusyon ng mga kababaihan upang maisakatuparan ang tunay na pagbabago sa lipunan.
Bukod dito, taos-puso nating kinikilala ang mahalagang papel na ginagampanan ng ating mga kababaihang kasamahan sa Kongreso sa pagsusulong sa mga karapatan at oportunidad ng kababaihan.
Kasama natin sila sa laban para sa mas matatag na kinabukasan ng lahat ng Pilipino.
Dahil sa kanila, naipasa ng Kongreso at naging batas ang Anti-Violence Against Women and Children Act, Magna Carta of Women, Anti-Trafficking in Persons Act, Domestic Workers Act, at marami pang iba.
Napakalaking bagay din ang Expanded Maternity Leave Law. Sa pamamagitan ng batas na ito ay nabibigyan ng pagkakataon ang mga kababaihang empleyado na matutukan ang pag-aalaga sa kanilang baby. Sa mahabang maternity leave, mas magiging handa ang isang ina sa pagbabalik nila sa trabaho.
Alam nating marami pang dapat gawin upang mabigyan ng mas maraming oportunidad ang mga kababaihan. Kailangan ding matugunan ang mga espesyal nilang pangangailangan, at tiyakin na mabibigyan ng proteksyon laban sa kapahamakan.
Kaya’t magkaisa po tayo sa pagpapahalaga sa mga kababaihan at sa kanilang mga tagumpay sa lahat ng larangan. Kasama ng Ako Bicol Party-list, kaisa po tayo sa pagdiriwang ng International Women’s Month!
Samantala, noong nakaraang linggo ay ating pinaalalahanan ang mga departamento at ahensiya ng pamahalaan na gamitin ang kanilang pondo para sa pagtatayo ng mga imprastraktura.
Alam naman po nila ang diskarte tungkol sa absorptive capacity ngunit kailangan pa rin nilang mapagbuti ang implementasyon nito. Dapat din nilang iwasan ang mga buwan kung saan maaaring matigil o bumagal ang takbo ng mga proyekto tulad ng panahon ng tag-ulan o kaya ay matapat sa election spending ban.
Kung may natitira pang pondo noong nakaraang taon, dapat ay magamit na ito ngayong 2023 at hiwag hayaang nakatiwangwang lamang.
Bilang chairman ng House committee on appropriations, obligasyon ko pong ipaalala ito upang maging maayos ang paggamit ng pondo ng bayan.
Higit P5 trilyon po ang pambansang budget ngayong 2023. Sa laki ng budget ng pamahalaan, maaari nang mabigyan ng trabaho ang maraming Pilipino, kabilang ang 334,000 construction workers na natigil sa pagtatrabaho noong Enero bunsod ng taunang pagtitipid sa gastos kapag papalapit na ang pagtatapos ng taon.
Umabot sa 43.27 milyong indibiduwal ang may trabaho noong Enero, mas mataas ng 4.09 milyon sa nagdaang buwan. Kung patuloy na mabibigyan ng trabaho ang marami nating kababayan, hindi lang ito makakatulong sa kanilang pamilya, maiaangat din nito ang ekonomiya ng Pilipinas na unti-unti pa lamang bumabangon mula sa hagupit ng pandemya.
Malaking bagay din ang Build Better More program, ang flagship infrastructure program ng ating mahal na Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. May nakalinyang 194 proyekto sa programang ito na nagkakahalaga ng P9 na trilyon. Makapagbibigay po ito ng pag-asa at inspirasyon sa mga mamamayan.
Asahan din po ninyong hindi titigil ang inyong lingkod at ang Ako Bicol Party-list sa paggawa ng paraan upang makatulong sa mga nangangailangan. Hanggang sa muli, mga kababayan kong Bicolano!