Malaking bahagi ang ginagampanan ng social media sa araw-araw na buhay na halos imposible na ang hindi paggamit nito. Isa sa mga popular at kinagigiliwang social media platform ay ang Instagram.
Sa kabila ng makabuluhang dulot ng platform gaya ng pagbabahagi ng mga “instagrammable” na larawan, mga talento, reels, stories, pagtatayo ng business at marami pang iba, malaki ang impluwensiya nito sa paghuhubog ng kaisipang pangkagandahan na maaaring makabababa ng self-esteem.
Ang Instagram, itinatag ni Kevin Systrom noong 2010 ay isa sa mga platform na masigasig na nagpopromote ng mga hindi makatotohanang pamantayan ng kagandahan. Ito ay dahil sa mga palasak na mga imahe ng mga taong may perpektong katawan, mukha, at lifestyle na nai-popost sa platform na nakalalason ng isipan. Hindi natin dapat kalimutan na sa likod ng bawat kagandahan na nakikita natin ay maraming oras, pera, at pagsisikap na ginugugol ng mga personalidad upang makamit ito. Ngunit dahil sa mga unrealistikong standards na pangkagandahan, marami ang hindi nakukuntento sa kanilang sariling hitsura, nababalisa sa kanilang sosyal na imahe at nakakaramdam ng kawalan ng kumpyansa sa sarili.
Ang pagpapakita ng mga larawan na hindi makatotohanan, basta ay estetiko ay maaaring makapagdulot ng hindi magandang epekto kalagayan ng isipan. Maaaring makaramdam ng sobrang pagkabigo ang mga tao dahil sa hindi nila maabot ang mga ganitong uri ng standards at dahil sa kultura ng pagkukumpara. Hindi natin dapat kalimutan na hindi lahat ng tao ay may kaparehas na katawan, hitsura, o lifestyle. Kailangan nating tanggapin at mahalin ang ating individwalidad, kasama na ang mga kakulangan o imperfections na mayroon tayo.
Mahalagang magkaroon ng tamang pananaw at kamalayan ang mga gumagamit ng Instagram at iba pang social media platform kaugnay sa mga unrealistikong pamantayan at ang lebel ng nakabubuti sa kalusugan partikular na sa mental health. Hindi nakatutulong sa ating isipan ang pagkukumpara ng sarili sa mga larawang nakikita sa social media dahil ito ay hindi laging nakabatay sa katotohanan. Kailangan ang tamang kamalayan tungkol sa kahalagahan ng pagtanggap sa ating mga sarili at pagpapahalaga sa mga tunay at makabuluhang bagay na lampas sa sulok ng social media.
Pinaalalahanan na maging maingat at mulat sa mga hindi makatotohanang pamantayan ng kagandahan na pinapataw ng birtuwal na espasyo at ng social media sa ating mga isipan. Mainam na i-appreciate ang bawat isa at ang sarili sa halip na magkumpara. Maiiwasan din dito ang pagkababa ng ating self-esteem. Ang pagtanggap at pagpapahalaga sa ating mga sarili ay kaparaanan para sa isang masayang buhay.