WebClick Tracer

OPINION

Tiba-tibang tubo sa imported na sukal, Pilipino ang tama

Marami sa ating mga kababayan na may maliliit na negosyo ay nagsisimula sa maliliit na puhunan. Pakaunti-kaunti rin kung magpatong ng tubo sa ibinebenta. Sunod ay papaikutin ang puhunan at dadagdagan para mapalago pa ang negosyong nasimulan. Ganyan ang kwento ni Mark na nagtitinda ng palamig at iba pang inumin malapit sa isang paaralan sa Batangas.

Habang nagsisikap na magpalago ng puhunan ang maliliit na maninininda, itong natuklasan natin, tubong-lugaw dahil tila pinaboran sila para mag-import ng asukal. May isang industrial user na company na gusto sanang mag-angkat ng asukal sa Thailand para gamitin sa kanilang produksyon, pero itinuro daw sila ni Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban na lumapit sa tatlong importers ng asukal at unang-una dito ang All Asian Counter Trade.

Pinresyuhan daw sila ng P85 kada kilo para sa wholesale na bentahan. Nakakabigla yung taas ng presyo. Ang mangyayari kasi, wala silang choice kundi una, itaas ang presyo ng mga produkto nila na tiyak ang konsyumer na naman ang tatamaan, at pangalawa, mag-aangkat na lang sila ng finished product nila. Ang magiging epekto naman nito ay baka mawalan naman ng trabaho ang mga empleyado ng kumpanyang ito. Alin man diyan ang mangyari, talo tayo.

Balikan natin yung kikitain ng mga napiling importers. Batay sa nakuha nating impormasyon, nakakabili ka ng refined sugar na wholesale sa Thailand sa halagang P25 kada kilo. Kung matino kang importer, alam mo na disente na ang tutubuin mo kung ibebenta mo ng P61 kada kilo ang asukal. Bayad na doon ang warehousing, duties, handling, at may maayos ka nang kita na P8 per kilo. Kaya ang P85 na asking price ng All Asian ay nagpapataw ng karagdagang P24 na tubo. Total na ng patong nila ay P32 kada kilo. Kung sa isip natin maliit lang yun, aba hindi po. Kapag pinagsasama mo ang nasa 440,000 metric tons na inangkat nilang asukal, ang tubo ay aabot ng 10.5 hanggang 14 billion pesos. Malaki yan dahil tatlong traders lang silang maghahati-hati diyan. Parang mga tumama ng 50 times sa super lotto nang hindi man lang tumataya.Tiba-tiba sila sa kita samantalang nanganganib na maapektuhan ang hanapbuhay at bulsa ng ating mga kababayan.

Sa ganitong disposisyon at bilyon-bilyong kita, kartel na talagang maituturing ito. Hindi pa tayo, kahit kailan, nakaranas ng ganitong kagarapal na monopolyo; walang ganito kahit noong panahon pa ng martial law dictatorship. Asukal pa lang ang pinag-uusapan natin dito. Ang dami pang mga basic commodities na maaaring sinisipat na ng mga cartel sa ngayon.

Tiwala ako sa kasalukuyang liderato ng Blue Ribbon Committee sa Senado ay mabubuksan na ang imbestigasyon hinggil dito. Alam kong tuluy-tuloy silang naghahanda, at umaasa akong magkakaroon na ng kasagutan ang mga duda na nagpapapait sa sugar industry. ###

Anong masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on