WebClick Tracer

OPINION

Puno’t Dulo

Kapag sinabing ‘puno’t dulo’, makakaasa kang tatalakayin nito ang pinagmulan kung paano nakarating ang isang usapin sa kasalukuyan nitong estado. Ano ba ang puno’t dulo ng kontrobersya? Ano ang puno’t dulo ng suliranin? Ibig sabihin lang, bukod sa kailan ito nagsimula, malalaman natin ang dahilan kung bakit at paano.

Samantalang malinaw sa atin ang ibig sabihin ng ‘dulo’ anong puno kaya ang tinutukoy sa ‘puno’t dulo’? Hindi mismong ‘puno’ na namumunga ang tinutukoy sa katagang iyan. Bagamat nakabatay sa hugis ng puno ang mismong ibig sabihin ng puno sa maraming salitang ginagamit natin. Sa mismong katawan ng literal na puno nakakabit ang maraming sanga, dahon, bunga.

Itong salitang ‘puno’ ang nasa ubod ng mga salitang punongguro, punongbayan, at pinuno. Pansinin natin ang magkakatulad na kahulugan ng mga binanggit kong salita. Sila ang nangunguna, sila ang sandigan

Sa katatagan ng puno nakabatay ang lakas at tatag ng lahat ng nakasabit. Kung mahina ang puno, hindi lalago, matutumba, babagsak ang lahat. Kaya mayroon tayong pinuno na dapat asahang matatag para sa kaniyang pinamumunuan. Kung mahina ang pinuno, asahang mahina rin ang pinamumunuan.

Iba naman ang konteksto ng ‘puno’ sa katagang ‘puno’t dulo’. Kahalintulad ito ng kahulugan ng simula at wakas. Binabalangkas ng puno’t dulo ang pagkakabuo ng impormasyon hanggang sumapit sa kasalukuyan. O kung kailan mo nabalitaan.

Kaya naman kapag nagtatanong tayo kung ano ang puno’t dulo, inaalam natin ang puno o ang pinagmulan ng isang usapin at ang dulo kung ano ang nangyari hanggang sumapit sa kasalukuyang estado.

At marami tayong puno’t dulong hinahanap lalo ngayon.

Sa panahon ng mabilisang pagsagap natin sa impormasyon dahil sa teknolohiya, nasa kamay na natin ang balita. Sa kaunting dutdot sa gadget, marami na tayong mababalitaan. Kaya naman kay daling makasagap ng kahit anong makakakuha sa ating atensyon. Dito na papasok ang maraming usapin: politika, showbiz, sports, kasaysayan, at napakarami pang maaaring pagmulan ng pag-uusisa.

Sa kabila ng dami ng nasasagap nating usapin, mahirap namang matukoy ang totoong ‘puno’t dulo’. Bakit? Dahil lahat ay may mistulang totoong impormasyon na pinapalaganap. Gaya na lamang sa pagbabasa ng balita. May mga nagbabagong detalye depende sa oras at bagong impormasyong isinama hanggang mabuo ang bagong bersyon ng balita.

May sinasadyang maligaw ang impormasyon at ipalaganap bilang lehitimong balita. Kaya naman ito na ang pinaghahawakang ‘puno’t dulo’ ng tatanggap ng balita. Mayroon din namang sa paghahanap ng puno’t dulo, nalalaman nila kung gaano na kalayo ang puno sa dulong nalalaman nila.

Sa kasalukuyang paglaganap ng karunungan at impormasyon, dapat maging maingat sa pagtuklas at paghahanap ng puno’t dulo. Dapat maging masinop at masuri. Huwag tanggapin ang lahat bilang bahagi ng puno’t dulo. Magsuri. Magtanong. Magduda. Hindi lahat ng nagsasabing ito ang puno’t dulo ay puno’t dulo talaga.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

Anong masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on