Kahit sino pa man, kapag may karamdaman at sinabihan na kakailangnin maoperahan, ay baka mabilis pa sa alas kwatro na lalabas ng klinika dahil sa takot. Yun ay kung kaya nila tumakbo o lumakad man lang palabas.
Ito ang tanong sa atin kamakailan. “Ako po ay senior citizen na, medyo hindi na ganoon kaliksi kumilos at gumalaw dahil sa pananakit ng tuhod. Bumigat at lumaki na din ng kaunti dahil sa hindi pagkilos. May dalawang doktor na akong napuntahan, may x-ray na din. Ang una, nagsabi na kailangan akong maoperahan kung gusto ko mawala ang pananakit, ngunit may kamahalan din ang gagastusin, hindi ko pa kaya. Ang pangalawa naman, sinasabi na iiniksyunan lang at ok na ako. Pangatlo ko kayong tatanungin, may magagawa pa ba sa aking nadadanas. Paano kaya kung gumaan ako? Makakatulong ba ito, medyo nagdidyeta ako, yun lang hirap mag-ehersisyo dahil sa sakit ng tuhod. Sana magabayan ninyo ako. Salamat ng madami.”
Degenerative osteoarthritis malamang ang tinutukoy ng ating reader na nakita sa kanya ng mga naunang doktor. Wala talagang gamot para dito, dahil ang pangunahing dahilan ay ang pagtanda natin. May kinalaman sa wear and tear ng ating joint, lalo na sa tuhod. Sa tagal ng dekadang paggamit, sa mabibigat na gawain na nangyari sa mga panahong nakalipas ito ang kinauuwian. Ang magagawa lamang ay ang mabawasan ang kirot, ito ay sa pamamagitan ng pagpahinga, paginom ng mga anti-inflammatory na gamot, warm compress, at physical therapy. Kung hindi pa kaya, mas kaunting agresibo ay may mga maaaring maiturok sa loob ng tuhod, para matulungan alagaan ang naiiwang lamad dito na sana makatulong sa pagbawas ng pagkiskisan ng buto sa isa’t isa na syang pangunahing dahilan ng pananakit ng tuhod. Ngunit kung wala na talagang magawa at hirap sa pagkilos at ultimong pagpunta sa banyo ay pahirapan, naroroon ang indikasyon ng surgery, ang total knee replacement arthroplasty. Lahat ng nabanggit ay maaaring maging opsyon, ngunit hindi ginagamot ang x-ray kundi ang kalagayan ng pasyente, lalong lalo na sa kirot na nararamdaman. Kaya hindi naman agad-agaran kailanganin operahan.
May kinalaman din ang bigat ng timbang. Mas bumibigat, mas mabilis at matindi masira ang joint. Mas gumaan, mas mababawasan ang pagsira nito. Pwedeng magdiyeta, pwedeng matulungan ng physical therapist para makehersisyo kahit limitado dahil sa kirot. Higit sa lahat, pwede din na agresibong tulungan ang pagbawas ng timbang. Maliban sa mga nabanggit, may mga gamot, iniinom man o iniineksyon, kasama ang pag bigay ng payo at pagbantay sa kabuuang kalusugan, maaaring hindi muna mangailangan ng anumang iniksyon sa tuhod at lalu na ang operasyon. Maaring makahingi ng opinyon sa mga iba pang espesyalista, nang maliwanagan sa kabuuang kalagayan ninyo.
Hanggang sa susunod ! Stay Healthy! Stay safe! Get vaccinated! Get Boostered!
J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 at IZTV 23, tuwing linggo 11am-12nn at Kapitbahay sa DZEC1062 tuwing huwebes 1pm) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.