Tila masyadong nagmamadali si Senate Ways and Means Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian sa kanyang isinusulong na Committee Report na nagrerekomendang permanente nang i-ban ang mga Philippine Offshore Gaming Operators o POGOs.
Nabigo si Gatchalian na mapapirma ang kanyang mga kapwa senador at tanging pito lamang ang sumang-ayon dito.
Kabilang sa mga hindi pumirma si Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito. Katuwiran ni JV, nag-aalala siya sa magiging implikasyon ng agarang pagpapasara sa POGO—partikular na ang mga kababayan natin na mawawalan ng trabaho at ang mawawalang kita ng pamahalaan mula sa POGO taxes.
Aniya pa, bago ipasa ang isang batas ay pinag-aralan itong mabuti ng Kongreso para maging legal at maayos ang operasyon ng industriya sa Pilipinas. Sa katunayan, ani JV, may mga investors na namuhunan sa POGO.
Dahil dito, maling senyales sa international community kung agad-agad na ipapasara ang mga POGOs. “Ano na lang ang sasabihin nila (ibang bansa) sa ating mga batas at polisiya?” tanong ni JV.
Hindi rin napapirma ni Gatchalian sina Senators Jinggoy Estrada at Imee Marcos.
At dahil katiting lamang ang nakuhang suporta ng kanyang Committee Report, nag-privilege speech si Gatchalian at pilit ginigising ang ibang senador sa masamang epekto ng mga POGOs. Sa kanyang talumpati, inulit ni Gatchalian ang mga POGO issues na dati nang nasagot sa mga Senate hearings tulad daw ng mga krimen na kinasasangkutan ng ilang POGO workers at ang hindi pagbabayad ng tamang buwis.
Pero ayon na mismo sa Philippine National Police, wala na halos mga POGO-related crimes nanangyayari. Habang ang Bureau of Internal Revenue ay nagsabi na nagbabayad naman ng buwis ang POGO industry.
Bakit ba parang masyadong nagmamadali itong si Sen. Gatchalian? Tila tuloy masyado niyang minamaliit ang kapasyahan ng kanyang mga kasamahan senador na hindi niya makumbinsi sa gusto niyang pagpapasara ng POGO.
Sana mag-isip-isip muna itong si Sen. Win, napakaraming kababayan natin ang apektado kapag tuluyang ipinasara ang POGO industry. May trabaho na ba siyang ipapalit sa mga mawawalan ng trabaho? May kabuhayan na rin ba siyang ibibigay bilang alternatibo ng mga negosyong nakakawing sa industriyang ito?
Para sa amin, tama lamang ang desisyon ng ibang senador na huwag suportahan ang gustong mangyari ni Sen. Gatchalian. Wag tayong padalos-dalos sa pagdedesisyon. Marami pong buhay ang apektado.