Dismayado si Bacolod City Mayor Alfredo Abelardo Benitez matapos niyang matuklasan na ginagawang tapunan ng ‘medical waste’ ang isang pampublikong sementeryo sa lungsod.
Tumindi ang pagkadismaya ng alkalde dahil hindi sa mga pribadong ospital nagmula ang mga basurang itinambak sa Handumanan Public Cemetery kundi sa City Health Office (CHO) na nasa ilalim ng kanyang liderato.
Dahil dito, makikipagpulong si Benitez sa Department of Public Services (DPS) para resolbahin ang problema at magkaroon sila ng wastong medical waste disposal system.
Nabisto mismo ni Benitez ang nakatambak na mga medical waste sa sementeryo nang magsagawa siya ng spot insepction dito nitong Linggo nang gabi.
‘This has to stop. We will find a permanent solution to this. It should not be there. It speaks a lot about how we treat our dead,’ diin ng alkalde.