Pupunta sa Senado ngayong Lunes ang mga kongresistang nagtutulak ng Charter change (Cha-cha) upang hikayatin si Senador Robinhood “Robin” Padilla at iba pang senador na suportahan ang pagbuo ng Constitutional Convention (Con-Con) na siyang magsususog sa 1987 Constitution.
Kinumpirma ni Cavite Rep. Elpidio “Pidi” Barzaga Jr. na haharap si Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez at iba pang miyembro ng House committee on constitutional amendments sa komite ni Sen. Padilla.
Tatalakayin ng Senate committee on constitutional amendments na pinamumunuan ni Padilla, ang Resolution of Both Houses No. 6 hinggil sa pagbuo ng Con-Con.
“Ang naimbitahan doon ni Senator Robinhood Padilla ay ‘yong aming chairman na si Rufus Rodriguez at ang alam ko ‘yong ilang vice chairman ay isasama ni Rufus Rodriguez para i-sponsor at ipaliwanag kung ano ‘yong aming resolution calling for a Constitutional Convention pati na ‘yong implementing bill or possibly the implementing law calling for Constitutional Convention,” ani Barzaga sa radio interview.
Naniniwala ang kongresista na may pag-asang makalusot sa Senado ang Cha-cha dahil kung wala ay sinabihan sana ni Senate President Juan Miguel Zubiri si Padilla na itigil na ang public hearing.
“Kung sa tingin talaga ng ating senador na si Migz Zubiri na talagang walang numero eh dapat pinatigil na lang niya si Senator Robinhood Padilla sa mga public hearing,” wika ni Barzaga.