Inutusan ng Energy Regulatory Commission ang San Fernando Electric Light and Power Company Inc. (SFELAPCO) ng Pampanga na magrefund ng P654.4 milyon sa mga customer at magbayad ng multang P21.6 milyon.
Ang multa ay para sa paglabag nito sa guidelines na dapat kunin muna nito ang basbas ng ERC bago magdagdag ng singil sa mga consumer at dahil sobrang mahal ang dinagdag nitong singil sa consumers mula Enero 2014 hanggang Disyembre 2022.
Pinagpaliwanag ng ERC ang SFELAPCO noong Disyembre 2021 kung bakit nito dinadagdag sa retail rates na sinisingil nito ang kuryenteng galing sa Aboitiz Power Renewable Inc. (APRI) na hindi pa naaaprubahan ng komisyon.
Naghain ang SFELAPCO ng aplikasyon para aprubahan ng ERC ang power supply agreement nito sa APRI nung 2013. Base sa ERC, hindi pa ito naaaprubahan ng komisyon ngunit kumukuha na ang SFELAPCO ng kuryente sa APRI mula pa Enero 2014 at sinisingil na ito sa retail rates sa customers.
Bagama’t 2021 pa pinagpapaliwanag ng ERC ang SFELAPCO, kinailangan pang sulatan muli ito ng komisyon para magpaliwanag. Sabi ng ERC, hindi katanggap-tanggap ang palusot ng SFELAPCO na hindi nito natanggap ang kasulatan ng ERC.
Sabi pa ng komisyon, inamin ng SFELAPCO na siningil nito sa consumers ang hindi aprubadong PSA ng APRI kahit pa may aprubadong PSA ito sa APRI noong 2009 na napaso na.
Paliwanag ng SFELAPCO sa ERC, pinapayagan ng komisyon na i-extend ang mga expired na PSA noon.
Ayon sa ERC, kailangan pa rin ng kasulatan mula sa ERC na pinapayagan nito ang extension at walang patakaran na maaaring i-extend ito kahit walang basbas ng ERC. (Eileen Mencias)