Dapat madaliin na ang pagsasabatas ng panukalang naglalayong gawing economic sabotage ang smuggling ng tobacco products sa bansa, ayon sa isang miyembro ng Kamara.
Iginiit ito ni Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) party-list Rep. Margarita Nograles kasunod na rin sa sunod-sunod na pagkakakumpiska ng mga smuggled na sigarilyo.
Ayon kay Nograles, dahil sa talamak na smuggling ng tobacco products partikular sa Mindanao ay bilyon bilyong piso ang nawawalang kita sa pamahalaan.
“We really need to pass this law classifying cigarette smuggling as economic sabotage. We are losing billions due to cigarette smuggling and smugglers are undeterred because the government can only confiscate and impose fines. We need a tougher law to stop this massive smuggling of cigarettes,” ayon kay Nograles.
Nakapasa na sa Kamara ang House Bill (HB) No. 3917 na layong amiyendahan ang R.A. No. 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 kung saan isinasama na ang large-scale agricultural smuggling ng tobacco products sa krimen ng economic sabotage. Ang counterpart bill nito ay nakabinbin pa sa Senado. (Eralyn Prado)