Sisimulan ng Senate committee on public order and dangerous drugs ang imbestigasyon sa pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo oras na sampahan na ng kaso ang mastermind sa paglikida sa gobernador.
Sinabi ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa, chairman ng komite, na maaaring buksan ang imbestigasyon ngayong linggo kapag sinampahan na ng kaso ang mastermind sa krimen.
“Hihingi tayo ng update sa DOJ kung nakapag-file na sila ng kaso against mastermind, then puwede na tayong magpa-hearing sa Wednesday bago mag-break ang Senado,” ani Dela Rosa sa interview ng DWIZ nitong Sabado.
Ipapatawag sa pagdinig ang lahat ng pulis na nag-iimbestiga sa kaso, mga nahuling suspek at maging si Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
Ayon kay Dela Rosa, sisikapin nilang makontak si Teves upang makapagbigay ng pahayag sa pagkakadawit ng kanyang pangalan sa pagpatay kay Degamo.
“Kung may paraan na makontak natin siya, why not, mas maganda” wika ni Dela Rosa.
“Hanapan natin ng paraan na makontak natin siya sa abroad,” dugtong ng senador.
Si Teves ay unang nagtungo sa Estados Unidos para magpagamot pero ngayon ay nagtatago na umano ito sa isang bansa sa Asya, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.