SASABAK si Southeast Asian Games (SEA) triathlon queen Kim Mangrobang upang pamunuan ang 300 kalahok sa National Aquathlon Open na inorganisa ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) ngayong umaga, Linggo, sa Ayala Vermosa Sports hub sa Imus, Cavite.
Kagagaling lamang mula sa 12th place finish sa Americas Triathlon Cup sa Pucon, Chile si Mangrobang para naman magpartisipa sa Run-Swim-Run event ngayong araw.
Kinumpirma ni TRAP President Tom Carrasco na ang reigning SEA Games gold medalist sa triathlon at duathlon ay lalahok sa elite distance 500m swim at 2.5-kilometer run.
Sunod na makakasama ni Mangrobang si Fer Casares sa New Zealand kung saan sasabak sila sa Plymouth World Cup, pagkatapos ay babalik siya sa US para sa mas higit pang matitinding mga training camp hanggang sa katapusan ng Abril patungo naman sa pagsabak sa Cambodia SEA Games sa Mayo. (Lito Oredo)