Tila himala ang naranasan ng mga magsasaka ng palay sa Brgy. Lomboy, La Paz, Tarlac na lumubog ang mga bukirin sanhi ng bagyong Paeng noong Okt. 30, 2022 ay may masaganang ani pa ngayon.
Sa idinaos na ” Grand Harvest Festival” sa Sitio Duroplac nitong Biyernes ay kinumpirma ni Noel Regis, La Paz municipal agriculture officer na lubog sa baha ang halos 500 ektarya sa lugar.
” Nag-report na sila sa Phil. Crop Insurance Corp.(PCIC) para sa claims at makaraan ang ilang araw na humupa ang baha at puntahan for assessment ay napakamot ng ulo ang mga taga PCIC, dahil muling gumanda ang tanim”, ani Regis.
Kabilang sa mataas ang ani ay sina Alfredi Magdangal na umani ng 11.5 tonelada per hectare; Ernesto Linsangan (10.6); Leila,Linsangan; Francisco Policarpio; Nelia Manzano (9.2 tons)
Karamihan umano sa tanim na palay ay pawang SL8 hybrid seeds na mula sa SL Agritech Corporation na nakapagprisinta kay Pres. Ferdinand Marcos Jr. nitong Valentine’ s day sa Malakanyang.
Sa naturang pulong sa Malakanyang ay kinatigan ni PBBM ang pagtatanim ng hybrid na magiging susi sa ” rice self sufficiency” ng bansa.
Ayon kay SLAC Sr. Vice Pres. Josephine Dungca taong 2010 ay nagsimula lang sa siyam na ektarya ang nagtatanim ng SL8 hybrid seeds sa La Paz.
Sa ngayon ay mahigit apat na libong ektarya na ang natatamnan ng hybrid sa La Paz.
Kinumpirma ni Dr. Frisco Malabanan, national rice board consultant, na target mataniman ng hybrid sa 2024 ay ang buong bansa na may 1.9 million hectares.(Jojo de Guzman)