Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang limang dayuhang pugante na ipapatapon sa kanilang mga bansa upang harapin kinasasangkutang krimen.
Sa isang pahayag, sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco, kabilang sa mga inaresto ay apat na Indian at isang Taiwanese.
Tatlo sa mga Indian ang inaresto noong Marso 7 sa Iloilo City na kinilalang sina Manpreet Singh, 23; Amritpal Singh, 24; at Arshdeep Singh, 26 na nasasangkot sa kasong murder, violation of explosive substances Act 2001 at unlawful activities prevention act 1967 sa India.
Nabatid na sa panahon ng operasyon ay nakasalubong ng arresting team ang isang Amrikh Singh, 33, na naaresto rin dahil sa kabiguan na magpakita ng anumang dokumento.
Marso 7 din nang arestuhin sa Boracay, Aklan ang isang Taiwanese na si Lee He Zhan, 26, na pinaghahanap umano sa kanyang bansa dahil sa pagkakasangkot sa illegal drugs trading. (Mina Navarro)