Nagbabala si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na sisiklab ang giyera kapag inisyuhan silang dalawa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) at tangkaing arestusin sa Pilipinas.
Sinabi ito ni Dela Rosa dahil sa posibilidad na mag-isyu ng arrest warrant ang ICC tulad ng ginawa nila kay Russian President Vladimir Putin dahil sa “unlawful deportation” ng mga batang Ukrainian.
“Wala akong problema diyan. As I have said, whatever they want to do they can do it. Ang tanong nga lang sino mag-iimplementa?” tanong ng senador.
“So, kung papasok sila dito para hulihin, sino manghuhuli? Ibang nasyunalidad, eh malaking giyera ‘yan at makipaggiyera security forces natin dito kung papasok sila. Hindi sila welcome by our government,” babala pa niya sa interview ni Cely Bueno ng DWIZ nitong Sabado.
Aniya, maaari lamang maaresto si dating Pangulong Duterte kung “dilawan” ang susunod na pangulo ng bansa.
Duda rin si Dela Rosa kung maihahain ng ICC ang arrest warrant kay Putin sa Russia.
“Try ninyong arestuhin si Putin. Sinong mag-aresto kay Putin, mga tao niya o ibang tao?” ani Dela Rosa.
“Kung mayroon ibang puwersa na papasok doon para arestuhin si President Putin eh malaking giyera na naman,” dugtong pa niya.
Binanggit ng senador na maaari lamang makapasok ang ICC sa isang “failed state” tulad ng Iraq na hindi gumagana ang justice system.
Sina Duterte at Dela Rosa ay iniimbestigahan ng ICC dahil madugong giyera kontra droga. Tinatayang 7,000 ang napatay umano sa Oplan Tokhang ng dating administrasyon pero ayon sa ilang human rights group ay nasa 30,000 drug suspect ang napatay.
Noong Martes, naghain ng apela ang Pilipinas sa ICC Appeals Chamber para hilingin na ipagpaliban ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa madugong giyera kontra droga ng dating administrasyong Duterte.