Bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month ngayong Marso, namigay ng libreng Super Lotto 6/49 ticket ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa 130 mananayang kababaihan.
Sa inilunsad na ‘Super Ticket Para Kay Super Pinay’ kasabay ng International Women’s Day noong Marso 8, binigyan ng tig-isang libreng Super Lotto 6/49 na tiket na nagkakahalaga ng P100 ang unang 100 babaeng manlalaro ng lotto na bumili ng tiket na may minimum na P10.
Samantala, ang 30 babaeng patron ng lotto na bumili ng P10 tiket sa alinmang lotto outlet sa lahat ng sangay ng PCSO sa buong bansa ay nabigyan din bawat isa ng libreng Super Lotto 6/49 ticket na nagkakahalaga ng P100.
“Nakikiisa ang PCSO sa pagdiriwang ng 2023 National Women’s Month. Nagpapasalamat ang PCSO sa lahat ng mga kahanga-hangang Pinay na lumahok sa promo. Ito ay isang parangal sa ating mga magigiting na mga kababaihan,” pahayag ni PCSO Chairperson Junie E. Cua. (Edwin Balasa)