WebClick Tracer

Sunday, March 26, 2023

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
OPINION

Pili nuts pasok na sa EU

Magandang araw muli, mga kababayan kong Bicolano! Noong nakaraang linggo, kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) na muling tatanggap ang European Union (EU) ng dried pili nuts mula sa Pilipinas.

Napakagandang balita po nito dahil malaking bahagi ng produksyon ng pili nuts ay mula sa Bicol Region. Mayroon po tayong 1,800 ektarya ng taniman ng pili o halos 90% ng kabuuang production area ng bansa batay sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2021.

Ayon sa DA, inilabas ng EU ang European Commission Implementing Regulation (EU) 2023/267 na nagpapahintulot sa pagbebenta ng dried pili nuts sa 27 member-states ng EU matapos makapasa sa kanilang food safety at labeling requirements.

Natigil ang export ng pili nuts noong 2015 dahil sa inisyung patakaran ng EU sa novel foods. Kinokonsidera nilang novel food ang pili nut dahil hindi kalakihan ang konsumo nito sa EU mula noong May 1997.

Ang pagbubukas ng merkado ng EU ay sakto naman po sa naging direktiba ng ating mahal na Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paramihin ang high-value crops na pang export.

Magandang balita po ito dahil makapagbibigay ito ng maraming trabaho sa ating mga kababayan, lalo na sa mga magsasaka. Bagamat may kaakibat na hamon ito na maging competitive ang ating mga magsasaka sa global market, tiwala tayong kakayanin ito ng mga kababayan nating Bicolano.

Dahil sa inaasahang paglaki ng demand sa pili nuts, kinakailangan ng mga ahensiya ng DA tulad ng Bureau of Plant Industry (BPI), High Value Crops Development Program (HVCDP), Agribusiness Marketing Assistance Service (AMAS), Philippine Rural Development Project (PRDP), at Bicol Regional Field Office na magtulungan para sa pagpapaunlad ng industriya ng pili.

Makakaasa ng tulong ang DA mula sa inyong lingkod at Ako Bicol Party-list para sa pagpapalago ng industriya ng pili sa Bicol Region.

Marami pong kailangang gawin tulad ng karagdagang pasilidad para sa produksyon, post-harvest, processing at marketing pati na research and development. Kailangan din po ang food safety standards upang hindi tayo masira sa mga customer sa Europe.

Bago nagdesisyon ang EU na muling tumanggap ng pili nuts, ang merkado lamang ng Pilipinas ay Estados Unidos, United Kingdom, United Arab Emirates, at Canada.

Harinawa, magsimula nang umangat ang ekonomiya ng Bicol Region dahil sa pagbubukas ng merkado sa EU.

Kaugnay ng usapin sa ekonomiya, isa po ito sa dahilan kung bakit sinusuportahan ng inyong lingkod ang mga hakbang sa pag-amyenda sa 1987 Constitution. Naniniwala tayong para ito sa ikagaganda ng buhay ng bawat Pilipino.

Ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 para sa pagtitipon ng Constitutional Convention ay nakapasa na po sa ikatlo at huling pagbasa sa Kongreso.

Nakita ng Kongreso ang kahalagahan ng pagsusog sa ilang probisyon sa ating Konstitusyon upang makaakit ng marami pang dayuhang investor na magdudulot ng mas maraming trabaho at magandang buhay para sa mga Pilipino.

Sa tulong ng RBH No. 6, naniniwala tayong mas magiging maayos at epektibo ang paglutas sa mga hamong kinakaharap ng bansa. Patuloy po tayong makikipagtulungan sa mga kasamahan natin sa Kamara upang matiyak na ang tinig ng bawat Pilipino ay marinig at maisakatuparan.

Sa nalalapit na pagtatapos ng unang regular session ng House of Representatives, taos-puso tayong nagpapasalamat sa ating mga kababayang Bicolano at sa lahat ng Pilipino sa kanilang suporta at tiwala. Magtutuloy-tuloy po tayo sa pagsusulong ng mas magandang kinabukasan para sa ating lahat.

Hanggang sa muli, mga kababayan kong Bicolano!

Anong masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on