Sa pagtuturo ko ng pagsulat sa kolehiyo sa antigong unibersidad sa Maynila, lagi kong binabanggit ang mga salitang nakasanayan nang kailangan ng kasamang salita kahit pa ang totoo, nakapag-iisa naman dahil madaling maintindihan.
Halimbawa ang katagang ‘tumulo ang luha sa mata’. Sabi ko, pwede naman nating gamitin ang ‘lumuluha’ na lang dahil wala namang ibang parte ng katawan pa ang maaaring lumuha kung hindi ang mata. Mas madaling sabihin o isulat ang salitang ‘lumuluha’.
Ganoon din sa paggamit ng katagang ‘kumakalam ang sikmura’. Walang ibang parte ng katawan ng tao ang kumakalam maliban sa sikmura. Hindi natin sinasabing kumakalam ang ulo bagamat totoo din namang mistulang walang laman ang sa iba gaya ng sa pagkalam ng sikmura na, ibig sabihin, walang laman. Nagugutom.
Hindi naman talagang walang laman ang kumakalam na sikmura. Sa antas ng agham, may mga asido sa loob ng sikmura natin na nakatutulong para matunaw ang kinain natin. Iyan ang laging laman. Literal na laging may laman.
Kung hindi pa tayo kumakain, walang tutunawin ang asido. Humahapdi ang ating tiyan. May tunog na parang kumukulo. Iyan mismo ang pagkalam. At walang ibang parte ng ating katawan ang kumakalam maliban sa tiyan. Kaya naman buhat sa literal na pagkalam, naging pakahulugan na rin ito sa katayuan sa buhay.
Kahirapan ang ibig sabihin ng mga taong madalas kumakalam ang sikmura. Ibig sabihin, hindi kumakain. O kung kumakain man, malalayo ang pagitan. Wala sa tamang oras. Walang kasiguruhan ang susunod na pagkain dahil walang pambili.
Nagiging sukatan ng tagumpay o kabiguan ng isang bansa ang bilang ng nagugutom. Kaya naman malaking balita kapag bumaba o tumaas ang insidente ng nagugutom sa alinmang bansa. Ito ang isa sa pinakamalaking batayan ng pag-unlad. Ang pagkalam ng sikmura ang pangunahing dapat matugunan ng pamahalaan.
Hindi naman na natin kailangan ng masusing pananaliksik. Sa sarili lang natin masusukat na ang epekto ng kumakalam na sikmura o nalipasan ng gutom. Hindi ka makapag-iisip o makakapagtrabaho nang maayos. Mahirap mag-aral kung nagugutom.
Pero dapat tayong malinawan. Hindi dahil laging busog ay maayos na ang pamumuhay. Oo nga’t nakabibili ng makakain, ang isang mahalagang dapat ding malaman ay kung may sapat na sustansiya nga ba ang pagkain.
Hindi na nga naman kumakalam ang sikmura pero baka naman hindi masustansiya ang kinakain? Baka ang pampalasa ay buhat sa kemikal? Baka maraming pampaalat? Baka magdulot ng maagang pagkakasakit? Oo nga’t hindi na masyadong nagugutom, baka naman magkasakit kalaunan lalo sa mga batang mahihina pa ang resistensiya?
Magandang pagnilayan ito hindi lang ng mga nasa pamahalaan. Maganda rin itong pag-isipan ng bawat isa lalo iyong nagdedesisyon para sa pamilya.
Patalastas muna. Matapos manalanta ang pandemya, napapanahon na muli ang mga reunion. Kaya para sa mga taga-Catanauan, Quezon, tinatawagan ang mga nagsipagtapos sa Luzonian Standard High School (MSEUF ngayon) noong 1973.
Sa darating na Abril 10, 2023 ay idaraos ang Golden Anniversary ng nasabing batch. Gaganapin ang masayang reunion sa Nasugbo Paradise Resort sa Matandang Sabang Kanluran, Catanauan, Quezon. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring tawagan sina Meriam Gonzales-Valones (09073781286) at Gerry B. Gonzales (09953328347).