Noong Martes ay nagkaroon ng hearing ang Senate Committee on Environment tungkol sa nangyaring oil spill sa karagatan ng Mindoro dahil sa paglubog ng MT Princess Empress.
Hindi katulad ng paglubog ng pampasaherong barko, mas matindi pa ang epekto nito sa libu-libong buhay na umaasa sa dagat at turismo sa mga apektadong lugar. Nakasalalay ang buhay ng isa sa pinakamahalaga at pinakamayamang bahagi ng ating kalikasan. Dito rin nakasalalay ang kabuhayan at kalusugan ng ating mga kababayan sa Mindoro, Batangas, Palawan, Antique at iba pang karatig-pook.
Kamakailan nga ay pumunta kami sa Mindoro Oriental para maghatid ng tulong sa mga biktima ng malalang pagbaha doon. Nakakalungkot na isa na namang trahedya ang haharapin nila dahil sa pagtagas ng langis mula sa lumubog na oil tanker. Nanganganib ang ating karagatan, lalo na ang mga mangroves na nagsisilbing breeding ground ng ating mga isda, pati na ang Verde Island Passage na tinaguriang sentro ng sentro ng marine shorefish biodiversity sa buong mundo. Ang banta na dulot nito sa Verde Island Passage, ay makakaapekto hindi lamang sa mga taong naninirahan sa Mindoro at mga kalapit na lalawigan, pati na sa suplay ng pagkain ng bansa. Paano na ang mga kababayan natin doon? Tigil ang kabuhayan sa pangingisda, tigil din ang turismo, at pati kalusugan ng mga residente, nalalagay sa bingit.
Sa Philippine Coast Guard, Tier 2 lang ang idineklarang level of response dahil hindi pa raw umabot sa isang milyong litro ng gasolina ang tumagas. Pero sa posibleng pinsala sa mga yamang-dagat, kabuhayan ng mga mangingisda, at tourism workers, at sa atin din na mga kumukonsumo ng isda, buong bansa ang tatamaan ng trahedyang ito. Kaya sa totoo lang, hindi lang dapat nakabatay sa dami ng tumagas na langis ang level of response natin, kundi sa lawak ng apektadong lugar, impact nito sa ating marine biodiversity at hanapbuhay at kalusugan ng mga taga doon. Kailangang pag-isipan na gawing pormal na ang paghingi natin ng tulong sa marami pang mga bansa at iangat ang response level natin sa Tier 3.
Natapos ang hearing at naging malinaw na walang permit ang barko para pumalaot. Pero biglang kinagabihan sa balita, mayroon naman daw permit umano. HIndi na malaman kung sino ba ang nagsasabi talaga ng totoo. Dapat ay alamin ang pinaka-ugat, ang tunay na dahilan ng trahedya sa pagkalubog ng MT Princess Empress. Kailangan nating sama-samang hanapan ng solusyon at bigyan ng suporta ang ating mga kababayang sa pangingisda kumukuha ng ikabubuhay, at kilalanin ang kanilang mga pagsisikap na ma-protektahan ang kanilang kabuhayan. Kasabay ng paghanap ng solusyon ay pagpapanagot sa mga awtoridad na maaaring nagkulang o naging pabaya kaya nangyari ang lahat ng ito.