Sa halagang P5,000, namumurong bumuo ng matagal na panahon sa kulungan ang isang 23-anyos na dalaga matapos itong mahulihan ng higit sa P14 milyon na halaga ng pinaniniwalaang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya nitong Huwebes sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Ayon kay Lapu-Lapu City Police Director Col. Elmer Lim, dinakip ang suspek na si Chabelita Bantilan, alyas ‘Badi, ng Barangay Quiot Pardo, Cebu City, nang makuha sa kanya ang nasa 2.1 kilo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P14.2 milyon.
Inamin ng suspek na alam niyang droga ang kinuha niya sa mall sa Talisay City kapalit ng bayad na P5,000 pero hindi umano niya kilala ang nag-utos sa kanya at ang paghahatiran niya rito sa Barangay Babag, Lapu-Lapu City.
Samantala, sinabi ni Lim na isa sa tinututukan nila ang posibilidad na galing ang bulto ng droga sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Aniya, kabilang si Bantilan sa mino-monitor nilang drug personality na high value target kahit baguhan ito sa kalakaran ng ilegal na droga sa Cebu. Patuloy ang imbestigasyon sa kaso habang dinala si Bantilan sa Lapu-Lapu City Police Station para sa pagsasampa ng kaukulang kaso. (Edwin Balasa)