WebClick Tracer

Sunday, March 26, 2023

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
OPINION

Talaga bang walang magagawa sa hazing?

Kabilin-bilin sa akin ng mga magulang at mga nakatatandang kamag-anak nuong ako ay papasok sa kolehiyo na huwag sumali sa mga fraternities, gaano man kaakit-akit ang mga benepisyong kanilang inaalok.

Ang dahilan nito ay ang laganap na mga balita nuon na nauugnay sa mga fraternities. Kabilang dito ay ang mga malagim na sinapit ng mga bagong sali habang sumasailalim sa pagtanggap sa kanila o ang tinatawag na initiation. Kasama na rin sa mga balita ang kaugnayan ng mga fraternities sa paggamit ng ilegal na droga at mga kaguluhan na karaniwan ay nagmumula sa awayan sa kalabang fraternity. Nguni’t kung ganito ang pinakadiwa ng pagsali sa mga fraternities, maiisip ng marami, kagaya ng naisip ko rin nuon—bakit sumasali ang mga tao sa fraternity? Bakit nga ba?

Base sa mga nakausap kong mga kaibigan na sumali at nabuhay para maikwento ang kanilang kapalaran, ang isang atraksyon ng pagiging miyembro ng isang fraternity ay ang pagkakaroon ng mga kasangga sa panahon ng pangangailangan.

Hindi masyadong malinaw ang ganitong konsepto sa akin dahil ito ang pakahulugan ko sa salitang kaibigan. Mula pagkabata, nagkakaroon tayo ng mga kaibigan. Ang ilan ay dumarating at nawawala sa ating buhay nguni’t mayroon ding mga taong nananatili sa ating buhay. Sila ang mga taong dumadamay sa iyo at dinadamayan mo rin sa panahon ng pangangailangan at kalungkutan. Sila rin ang nagiging kasa-kasama natin sa buhay sa mga panahon ng pagdiriwang at kasayahan. Sila rin ang takbuhan natin sa halos lahat ng bagay sa pagitan ng kalungkutan at kasiyahan. Kung tutuusin, may mga magkakaibigan na higit pa sa magkakamag-anak ang turingan. Sabi nga, ang mga kaibigan ay napipili, hindi kagaya ng kamag-anak.

Dagdag pa ng mga tinanong kong mga kaibigan na ang pagsali sa fraternity ay nagbibigay ng proteksyon at koneksyon. Proteksyon saan? Karaniwan sa mga kwento nuon ay ang mga kaguluhang nangangailangan ng proteksyon ng mga kasangga sa fraternity ay dulot na rin ng pagiging miyembro nito. Paliwanag din nila na sa ating lipunan kailangan ang koneksyon sa trabaho at negosyo. Paminsan-minsan, totoo rin ito, nguni’t ito ay kulturang gusto nating putulin, hindi palawigin. Ganunpaman, maari rin namang gampanan ito ng mga kaibigan natin, hindi ba?

Ang pinaka-matinding dahilan kung bakit hindi ko maintindihan kung bakit kailangan sumali sa fraternity para sa mga dahilang nabanggit ay ang initiation. Sabi nila ang pakay ng initiation ay para matuto ang isang bagong kasapi na sumunod ng walang alinlangan sa mga nakatataas sa organisasyon. Ang uri ng initiation na may pananakit ay sinasabing isang uri ng pagbawi sa mga baguhan ng mga taong nakaranas rin nito nuong sila ang baguhan. Nguni’t mahirap lahatin ang mga fraternities. May mga ganitong uri ng organisasyon na maayos ang mga layunin. Ang mga ito ay, walang duda, nakakatulong din sa kanilang mga kasapi at maging sa bayan.

Nakalungkot na nagiging bihasa ang ating kabataan sa mga karahasan, kasama na kung paano nila pagtatakpan ang kanilang naging aksyon. Ang tanong ko at tanong din ng marami ay kung talaga bang walang magagawa ang pamahalaan sa mga ganitong uri ng karahasan bukod sa tinatadhana ng Republic Act No. 11053 (Anti-Hazing Act of 2018) na nagbabawal sa pagsasagawa ng hazing sa anumang uri ng fraternity?

Anong masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on