Sugatan ang isang mister nang saksakin siya ng kanyang asawa sa puwet habang nasa kasagsagan ng kanilang away dahil sa pa-morning-an nitong pakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan sa Tagum City, Davao del Norte kahapon nang umaga.
Sa ulat, nangyari ang insidente sa Purok Tadina, Barangay Mankilam.
Nagalit umano ang babae dahil inumaga ng uwi ang asawa mula sa inuman. Napikon umano ang lalaki sa pagbubunganga ng asawa kaya nabugbog niya ito.
Sinabi ng babae na self defense ang kanyang ginawa nang mahablot niya ang kutsilyo at itarak niya ito sa asawa na tumama sa pisngi ng puwet nito.
Nilinaw ng babae na wala siyang balak na patayin ang asawa. Dinala ang biktima sa ospital na tumangging ireklamo sa pulisya ang asawa matapos silang magkasaundo. (Catherine Reyes)