Marahil ay marami ang nagtaka nang ang inyong Kuya Pulong ay bumoto ng ‘No’ sa resolusyon na ipinasa kamakailan ng Kamara de Representante na nagbibigay daan para sa isang constitutional convention (Concon) na babalangkas ng mga pagbabago sa ating Konstitusyon.
Ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 ay maganda ang layunin. Maging tayo ay pabor na baguhin na ang mga makalumang probisyon ng ating Saligang Batas, lalo na ang patungkol sa pagbubukas ng ekonomiya para makaakit pa ng maraming investor, makalikha ng maraming trabaho at makapasok ang makabagong teknolohiya sa ating bansa.
Pero tulad ng nasabi na ng inyong Kuya Pulong, mali ang timing o panahon ng pag-amiyenda ng Saligang Batas.
Ang pagsasagawa ng Concon ay hindi biru-biro. Malaking gastusin ito na aabutin ng bilyung-bilyung piso.
Tinataya na sa paghalal pa lang ng mga Concon delegates, mangangailangan ng badyet na P1.5 billion. Ang pagsasagawa naman mismo ng Concon ay gagastos ng P5 billion. Bukod pa riyan, ang plebisito para maratipikahan ng taumbayan ang mga pagbabago sa Saligang Batas ay mangangailangan naman ng dagdag na P3 billion.
Sa kabuuan, tinatayang gagastos ang gobyerno ng P9.5 billion para sa Charter change.
Sa panahon ngayon na patuloy ang pagtaas ng mga bilihin at marami ang naghihirap, sa tingin ‘nyo ba ay makatarungan na gumastos tayo ng halos sampung bilyong piso para sa Concon? Ang napakalaking halaga na ito ay maaring ilaan na lang sa mga programa ng gobyerno para sa mahihirap.
Bukod pa riyan, may mga batas namang naipasa ang administrasyon ng aking amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte para mabuksan ang ekonomiya sa foreign investor at makalikha ng dagdag na trabaho. Ang mga batas na ito ay ang mga pagbabago sa Retail Trade Liberalization Act, Public Service Act at Foreign Investments Act. Naisabatas ang mga ito sa layuning makaakit pa ng dagdag na kapital na makakatulong para manumbalik ang dating sigla ng ekonomiyang hinagupit ng pandemya.
Malinaw na sang-ayon tayo na baguhin ang Konstitusyon. Matagal ng dapat itong ginawa. ‘Yun nga lamang, may tamang panahon para dito. Hindi ngayon na patuloy na maraming naghihirap at nagugutom.
Kung inyong matatandaan, maging ang dating Pangulong Duterte ay matagal na ring tinutulak ang pag-amiyenda ng Konstitusyon para maging federal system ang ating gobyerno at mabuksan ang ekonomiya sa mga foreign investor.
Pero nang ang ekonomiya ng ating bansa at ng buong mundo ay pinadapa ng pandemya, pansamantalang kinalimutan ng Pangulong Duterte ang Charter change. Binuhos niya ang atensyon, kapangyarihan at pondo ng gobyerno para mailigtas ang mga Pilipino mula sa Covid-19 at maisalba ang ekonomiya mula sa epekto ng pandemya. Inuna niya ang kapakanan nating mga Pilipino.
Totoo na noong malapit ng matapos ang kanyang panunungkulan, nirekomenda ni Pangulong Duterte sa susunod na Presidente na simulan ang pag-amiyenda sa Konstitusyon habang maaga pa. Ito ay para walang maging pagdududa na papabor sa Presidente ang plano na baguhin ang Konstitusyon. Kung sa bandang huli nga naman, baka mapagsuspetsahan pang may balak na pahabain ang termino kaya nagpaplano ng Charter change.
Tama ang mungkahing ito pero depende sa sitwasyon. Unti-unti na noon na napapawi ang pandemya, pero may bagong krisis namang pumalit: Ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine. Nagresulta ito sa pagtaas ng presyo ng langis at iba pang pangyayari na nagbunga naman ng pagtaas ng mga bilihin at iba pang pahirap sa ating mga kababayan.
Marami ang nag-akala na sandali lang tatagal ang krisis sa pagitan ng Russia at Ukraine. Pero nagkamali sila. Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang digmaan sa pagitan ng dalawang panig, kaya’t patuloy pa rin na tumataas ang presyo ng mga bilihin at nadadagdagan ang mga naghihirap na pamilya.
Maganda ang layunin ng Charter change, pero may tamang panahon para dito. Mahabang proseso ito na hindi agad mararamdaman ang mga positibong epekto. Sa kabilang banda, ramdam na ramdam na ngayon ng marami nating kababayan ang kahirapan. Sila na lang muna ang unahin natin.