Naka-heightened alert ngayon ang pulisya at militar sa Maguindanao del Sur bilang paghahanda sa posibleng pagganti ng extremist group dahil sa pagkakasawi ng dalawa nilang kasama dahil sa pagsuway sa checkpoint nitong Sabado.
Ayon kay Maj. Gen. Alex Rillera, commander ng 6th Infantry Division, dalawang rebelde na kinilalang sina Muhamadin Salim, 24, at Manan Udza, 27, kapwa residente ng Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao Norte ang binaril at napatay sa Army-police checkpoint inspection sa Barangay Elian, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur nitong Sabado.
Ani Rillera, lulan ng motorsiklo ang dalawa nang pahintuin ng mga tauhan ng 2nd Mechanized Infantry Battalion at Datu Saudi Ampatuan Municipal Police Station sa checkpoint sa harap ng 23rd Mechanized Company Command Post sa Barangay Elian ng alas-11:25 nang umaga dahil sa kahina-hinalang kilos.
Sa halip na sumunod, pinasibat ng mga suspek ang sasakyan pero naharang sila ng mga sundalo sa chokepoint. Pinaputukan ng nakaangkas ang mga sundalo dahilan para sumagot ng putok ang mga ito na kalaunan ay nagresulta sa pagkasawi ng mga ito. Narekober sa kanila ang 45 pistol, isang improvised explosive device at pulang Honda XRM na motorsiklo ng mga ito.