WebClick Tracer

Sunday, March 26, 2023

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
OPINION

Ayuda sa ating mga ‘Nay-Tay’

Nitong mga nagdaang buwan, patuloy pa din ang pagtaas ng inflation sa atin.

Ibig sabihin tuloy-tuloy pa din ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Sa katunayan, ang ating inflation rate ngayong Enero at Pebrero ay 8.7% at 8.6%, ayon sa pagkakabanggit, na siyang mga pinakamataas sa nakaraang 14 taon.

Mabigat ito para sa ating mga kababayan dahil ang ibig sabihin halos mabilis pa sa alas kuwatro ang pag-angat ng presyo ng mga bilihin. Lalo na sa ating mga Nay-Tay o mga Nanay na, Tatay pa na mga Solo or Single Parents.

Pero hatid ko po ay magandang balita sa ating mga Nay-Tay! Diskwento para maibsan ang walang humpay na pagtaas ng bilihin.

Nalalapit na po ipatupad ang 10% discount at value-added tax (VAT) exemption ng mga solo parent sa pagbili nila ng mga essential na bagay para sa kanilang mga anak tulad ng gatas, diaper at doctor-prescribed na mga gamot para sa anak nilang sanggol o yung may edad na anim na taon pababa.

Ang lahat ng ito ay ibibigay sa lahat ng single dad at single mom na ang kinikita ay P250,000 kada taon o mas mababa pa. Kapareho po ito ng income bracket ng mga exempted sa pagbabayad ng income tax sa ilalim ng Republic Act (RA) 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Sa mga hindi pa nakakaalam, ang inyong lingod ay isa po sa pangunahing may akda ng RA 11861 o “The Expanded Solo Parents Welfare Act.”

Kamakailan po ay nag-isyu na ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng Revenue Regulations (RR) No. 1-2023 para maging gabay sa implementasyon ng tax privilege na ibibigay sa mga establisimiyentong magbibigay ng 10%-discount at VAT-exemption sa mga kuwalipikadong single parents sa produktong binibili nila para sa kanilang babies, toddlers at preschoolers na anak.

Sa ilalim ng RR 1-2023, ang mga kuwalipikadong single parent o guardians ng mga qualified dependents na mga bata ay makakakuha ng 10% discount at VAT-free kapag bumibili sa mga botika, grocery stores at iba pang establisimiyento ng mga infant formula, food supplements, micronutrient supplements at mga diaper para sa kanilang anak na anim na taong gulang pababa.

Ang discount at VAT exemption na ito ay alinsunod sa panuntunan na i-isyu ng Department of Health (DOH) sa pakikipagkoordinasyon ng Food and Drug Administration (FDA), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at Department of the Interior and Local Government (DILG).

Tayo po ay umaasa na susunod ang mga establisimiyento at mabibigyan ng financial relief ang mga single parent na mababa ang sahod, na mag-isang itinataguyod ang kanilang baby, toddlers at preschoolers na anak. Syempre, ok din naman ito para sa kanila dahil nakakapag kawang-gawa sila sa pagbigay ng diskwento o bawas-presyo sa ating mga Nay-Tay habang pwede nila ito ikaltas sa babayaran nilang buwis. Hindi ba mainam?

Matagal na pong nahihirapan itong mga kababayan nating solo parents lalo na nung pumasok ang pandemya. Posibleng ngayon pa lamang sila nagsisimulang makarekober at maaaring ang iba ay hindi pa nakakarekober dahil sa posibilidad na nasibak sila sa trabaho o nagsara ang pinagtatrabuham nila nung kasagsagan ng pandemya.

Sa pamamagitan ng batas na ito, gusto nating matulungan at maagapayan ang mga mahihirap na Nay-Tay para sa pagtataguyod sa kanilang mga anak. Makakabili na sila ng discounted na gamot, branded man o generic, bakuna at medical supplements kung ang mga ito’y may kaukulang preskripsyon ng mga doktor na nakapangalan sa kanilang mga qualified dependent o mga supling.

Para maka-avail ng diskuwento, kailangang ipakita ng solo parent sa establisimiyentong binibilhan ang kanyang Solo Parent Identification Card (SPIC) at Booklet na inisyu ng Solo Parents Office (SPO) ng provincial o city government o kaya ng Solo Parents Division (SPD) ng municipal government.

At bilang konsiderasyon naman sa mga establishments na magbibigay ng diskuwento, sa ilalim ng BIR order, maaari silang mag-claim ng tax deductions mula sa kanilang gross incomes, batay sa halaga ng naibenta nilang mas mura o may diskwento na mga produkto.

Kung maitatanong nyo naman kung ilan ba ang solo parents dito sa Pilipinas, ayon po sa 2017 study at pagtataya ng DOH at University of the Philippines-National Institutes of Health (UP-NIH) mayroon po tayong 14 hanggang 15 milyong solo parents sa bansa.

Matapos maisyu noong nakalipas na taon ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng RA 11861, umaasa po ang inyong lingkod na mayorya sa mga kababayan nating solo parents ang mabibigyan ng food price discounts, tax exemptions, free legal aid at medical care, tuition subsidies, parental leaves at iba pang prebilehiyo bilang mga Nay-Tay.

Kasama po sa benepisyong tinutukoy namin ang buwanang cash ayuda na P1,000 na ibibigay ng kanilang local government units (LGUs). Pero ito po ay para lamang sa mga kuwalipikado ha, sa mga mahihirap at hindi sa lahat ng solo parents na may kakayahan naman sa buhay.

Hinihikayat po natin ang mga local executives na suportahan itong batas para sa solo parents na mismong ang Pangulong Marcos ang nagsabi sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) noong July 2022. Kaya po pinapaalalahanan natin ang mga local executives na asikasuhin na ang pagtatayo ng SPOs o SPDs sa kanilang lokalidad bilang pagsunod sa RA 11861.

Bahagi rin po ng trabaho ng mga LGU ang pagsusumite sa DSWD, sa quarterly basis, ng mga listahan ng solo parents sa kanilang lugar na naga-avail ng mga benepisyong aming nabanggit.

Bukod sa mga magulang na namatayan ng asawa, kasama sa solo parents ang hindi kasal na tatay o nanay, rape victims, pati kapamilya ng mga semi-skilled overseas Filipino workers (OFWs) na nasa labas ng bansa ng mahigit sa isang taon, lolo, lola o iba pang pamilya na tumatayong guardian ng mga kuwalipikadong anak, at kabilang din ang mga asawa ng mga bilanggo.

Kabilang din sa solo parents ang mga asawa ng mga taong medically certified bilang physically o mentally incapacitated, iniwan ng asawa ng anim na buwan o higit pa, asawang nagpa-annul nang kasal at ng mga inabandona ng asawa.

Siya nga po pala, ang inyong lingkod ay isa rin sa may akda ng RA 11165 o ang Telecommuting Act of 2018. Ang batas po na ito ay pinapahintulutan ang mga kawani ng pribadong sector na magtrabaho sa kanila-kanilang tahanan o kung saan mang alternative work environment gamit ang telekomunikasyon o computer technology, imbes na sila ay pumasok sa kani-kanilang opisina araw-araw.

Kabilang sa mga pribilehiyong tinatamasa ng mga empleyado ng pribadong sector dito sa Telecommuting Law, kabilang na rito ang mga Nay-Tay, ay ang pagkakaroon ng pitong araw na parental leave with pay maging ano pa man ang kanilang employment status. At ang ating mga Nay-Tay ay priority sa anumang telecommuting program sa kanilang pinagtratrabahuhan.

Kita nyo naman po, napakagandang batas po nitong batas na pabor sa mga Nay-Tay. Ito ay sadyang makakatulong sa mga hikahos nating kababayang solo parents. Kailangan lamang pong matiyak natin na maipapatupad ang batas nang naaayon sa isinasaad nito upang maging epektibo para sa mga benepisyaryong solo parent.

Umasa po kayong bukod sa pag-aakda ng batas na ito para sa solo parents ay kabilang din tayo sa mga magmamasid at magbabantay upang matiyak na naipatutupad ito at napapakinabangan ng mga solo parent na tunay na nangangailangan.

Anong masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on