Nag-iwan ng nasa P525 milyon na halaga ng pinsala ang tatlong araw na sunog sa isang bodega ng kahoy sa Parañaque City na nagsimula noongLinggo at naapula nitong Martes lamang.
Sa report ng Bureau of Fire Protection (BFP), wala namang naiulat na namatay o nasaktan sa nasunog na 25,000-sq.m. na bodega na matatagpuan sa Dr. A. Santos Ave., sa Barangay San Dionisio at pag-aari ng Consolidated Wood Products Inc.
Sumiklab ang apoy sa barracks nito bandang alas-11:24 ng gabi nitong Linggo at saka lang idineklarang fire out ganap na alas-12:08 ng tanghali nitong Martes.
Aabot sa 37 fire truck ang rumesponde kasama ang mga volunteer group at local government units na nagpadala ng 86 na trak.
Ipinakalat din ng Philippine Air Force ang Super Huey nito para sa serye ng mga operasyon ng Bambi Bucket hanggang sa tuluyang naapula ang apoy. (Betchai Julian)