Kinuwestiyon ng ilang senador ang pahirapang requirement para makubra ng isang centenarian ang P100,000 cash gift alinsunod sa Centenarians Act of 2016.
Nakarating sa impormasyon ni Senador Sherwin Gatchalian na hinihingan pa ng school record ang centenarian bago makuha ang cash gift.
“Apparently isa sa mga requirements [ay] school records. Paano naman nating hingin [ang] school records for a 100-year-old?” tanong ni Gatchalian.
Nilinaw naman ni Miramel Laxa, officer-in-charge ng program management bureau ng Department of Social Welfare and Development, ang tanging rekisitos lamang ay ang birth certificate o affidavit ng centenarian o ng pinakamataandang anak ng benepisyaryo.
Sinuportahan naman ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. sa gitna nang pagdinig ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development na maipasa ang panukala na naglalayong amyendahan ang ‘Centenarians Act of 2016’. (Dindo Matining)