Ipinatigil muna ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagpapadala ng mga first time overseas Filipino worker (OFW) partikular ang gustong magtrabaho bilang domestic helper sa Kuwait.
Sa isang press statement, sinabi ni DMW Secretary Susan Ople, na hindi muna sila magpoproseso ng mga bagitong OFW patungong Kuwait hanggang hindi pa natatapos ang bilateral talks at naipapatupad ang reporma para maprotektahan ang mga nagtatrabaho Pilipino sa nasabing bansa.
“‘Yong mga baguhan, never before nag-work as kasambahays abroad or ‘yong nag-work as kasambahays pero hindi sa Kuwait ay kailangan maghintay muna dahil nais tiyakin ng department na may mas maayos na monitoring at mas mabilis na response system in place bago sila tumungo doon,” paliwanag ni Ople.
Aniya, hindi sakop ng ban ang mga OFW na maraming taon nang nagtrabaho sa Kuwait na gustong bumalik sa dating amo o kaya ay mamasukan sa ibang amo.
Nakiusap ang kalihim sa mga bagitong aplikante na subukang mag-apply sa Hong Kong o Singapore.
Ang desisyon ng DMW ay ipinagbigay din ng mga opisyal sa Senate committee on migrant workers na siyang nag-iimbestiga sa isyu ng karumal-dumal na pagpaslang kay Jullebee Ranara, na pinaslang ng anak ng kanyang employer noong nagdaang buwan.
“Iyong bulto ng ating mga problema na nagkakaroon ng pagmamaltrato ay nandoon sa mga new hire na umaalis. Kaya ang sabi ni Sec. Toots, in the immediate, ito ay ating i-ban muna habang may pag-uusap na nagaganap,” wika ni DMW Undersecretary Anthonette Velasco-Alones kay committee chairman Senador Raffy Tulfo. (Dindo Matining/Betchai Julian)