Nadagdagan ng mahigit $3 bilyon ang kaban ng ginto, dolyar, yen at iba pang foreign currency na pinangangalagaan ng Bangko Sentral ng Pilipinas nitong Enero dahil sa malaking inutang ng national government sa pamamagitan ng pag-isyu ng global bond.
Ayon sa BSP, ang kaban o ang gross international reserves, ay umabot sa $99.7 bilyon o katumbas na P5.4 trilyon nung katapusan ng Enero mula sa $96.1 bilyon noong katapusan ng Disyembre.
Ang $3 bilyong Global Bond na inareglo ng pitong foreign banks ang pangunahing dahilan kaya dumami ang laman ng kaban ng BSP. Sa BSP kasi nilalagak ng national government ang mga dolyar nito kung hindi pa ito kailangang gastusin.
Nakatulong din ang pagsipa ng presyo ng ginto sa world market dahil nagmahal ang halaga ng ginto na pinanghahawakan ng BSP. Nung Disyembre, nasa $9.28 bilyon lamang ang halaga ng gintong nasa kaban ng BSP ngunit halos $9.8 bilyon na ang halaga nito nung Enero.
Ang GIR o ang kaban ng BSP ay binabantayan ng mga foreign creditor at investor at ng mga trading partners ng bansa dahil dito nakikita ang kakayanan ng Pilipinas na bayaran ang mga inutang at binibili sa kanila. (Eileen Mencias)