‘Yung patapon na pero nabigyan pa ng buhay at ganda! ‘Yan ang gawain ng isang artist sa Isabela na gumagawa ng mga sculpture mula sa mga patapong bakal.
Siya si Adel Santiago, 37-anyos mula Brgy. San Juan, Aurora, Isabela. Isa siyang Licensed Professional Teacher pero ngayon ay ‘di na siya nagtuturo dahil naka-focus na siya bilang fabricator at welder sa sarili niyang talyer at accessories shop.
Kamakailan lang ay nag-viral online ang kanyang stainless sculpture na may iba’t ibang figures tulad ng baril, dragon, at truck.
Ano nga bang dahilan niya sa trip na ito? Sabi ni Ariel sa Abante News, “Para mabigyan ng value ang isang bagay na patapon na sa pamamagitan ng sining.”
Taong 2013 umano niya sinimulan ito, “Noong 2013 ay nag-start po akong nag sanay na lumikha pero pang libangan lang po noong una.”
Umaabot naman sa halos isang araw hanggang isang linggo ang pagbuo niya sa mga sculpture na ito. Ang ilan sa mga ito ay kanyang dini-display, binebenta, at sinasali sa iba’t ibang mga art competition.
Bukod dito, nakagawa na rin siya ng mga steel sculpture na gagamba, eroplano, mga tao, motor, at marami pang iba na talaga namang kabibiliban mo dahil sa mga details nitong pulido at malinis.
Naibenta niya ang ilan sa mga ito sa humigit-kumulang P1,000 hanggang P50,000 depende pa sa disenyo nito.
“Enjoy po ang paggawa ng ganitong uri ng arts maliban sa nahahasa tayong lumikha ay natututo din tayong magpakinang ng stainless, mataas na din po ang value ng stainless sculpture,” sabi pa ni Adel. (Moises Caleon)