Patay ang isang 26-anyos na engineer na miyembro ng lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, intersex, and allies (LGBTQIA+) matapos umano itong pagsasaksakin ng kanyang karelasyon sa loob ng motel sa Taal, Batangas nitong Linggo ng gabi.
Kinilala ng Taal Municipal Police Station (MPS) ang biktima na si Engineer Arvin Aldover, residente ng Tierra Berde Subdivision. Pallocan Kanluran, Batangas City, Nagtamo ito ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.
Samantala, nagtangka pang tumakas pero naaresto rin ng rumespondeng mga miyembro ng Taal MPS ang suspek na si Arnel Jarenu, 31, ng Barangay Sto. Niño, Ibaan, Batangas.
Sa imbestigasyon ni P/SSg. Felix Cantero ng Taal MPS, nag-check-in ang dalawa sa Room 7 ng Catherine Lodge Hotel sa Barangay Cawit ng nasabing bayan bandang alas-6:40 ng gabi nitong Linggo.
Bandang alas-8:30 ng gabi, nabulabog ang mga staff ng motel nang makarinig sila ng mga sigaw na nagpapasaklolo mula sa kuwarto ng dalawa kaya agad nila itong pinuntahan.
Pagbukas nila ng pinto, bumungad ang suspek na puno ng dugo. Tumakas ito habang nakabulagta ang biktima na tadtad ng mga saksak sa katawan.
Inaalam pa ang motibo sa krimen dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin umano nagsasalita ang suspek.
Isinantabi rin ang anggulong pagnanakaw dahil kumpleto at walang nawala sa mga gamit ng biktima. Narekober sa loob ng silid ng mga ito ang isang unit ng iPhone, relo, calculator, 2 piraso na gold necklace, isang gold bracelet, dalawang wallet na laman ay mga ID, dalawang notebook, isang itim na bag at P22,000 cash. Nakaparada rin sa labas ng motel ang orange na Mitsubishi Strada na pag-aari ng biktima. (Edwin Balasa)