WebClick Tracer

Friday, March 31, 2023

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
OPINION

Pagkilala sa problema ang unang hakbang

LUNAS

Pinangunahan ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (BBM) at Vice President and Education Secretary Sara Duterte nitong nakaraang linggo ang Basic Education Summit kung saan tinalakay ang mga problema na kinakaharap ngayon ng sektor ng edukasyon at ang mga posibleng solusyon sa mga ito.

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa sa kanilang mga pahayag ang Pangulong BBM at VP Inday Sara sa naturang pagtitipon. Ang Pangulo na mismo ang nagsabi ng mapait na katotohanan sa estado ng edukasyon sa bansa. “We have failed our children and let us not keep failing them anymore (Binigo natin ang ating mga kabataan at huwag na natin silang biguin pa).

Malaki kasi ang naging epekto ng COVID-19 pandemic sa pag-aaral ng kabataang Pilipino. Dahil sa mga lockdown, napilitang magsara ang mga paaralan at mag-shift sa blended learning. Hindi lang ang mga mag-aaral kundi maging ang mga titser at mga magulang ay nahirapan sa ganitong sistema.

Ayon sa Asian Development Bank (ADB), ang resulta ng kahit isang taon lang na hindi makapag-aral ang estudyante ay 10 percent na pagbaba sa halaga ng kanyang kikitain kapag siya ay may trabaho na. Tinataya naman ng National Economic and Development Authority (NEDA) na 37 percent lang ang pagiging epektibo ng online at blended learning sa pag-aaral kung ikukumpara sa face-to-face learning.

Lahat ng nakitaang pag-unlad sa sektor ng edukasyon sa mga nakalipas na mga administrasyon ay nabura dahil sa pandemya. Kaya’t malaki ang problema na kinakaharap ngayon ng bansa pagdating sa pag-aaral ng ating mga kabataan.

Ang good news dito ay hindi ito isinawalambahala ng kasalukuyang administrasyon. Alam nila na ang pag-amin na may problema ang unang hakbang para mabigyang solusyon ito.

Ayon kay Vice President Sara, ang isang dapat na harapin ay ang problema sa kakulangan ng mga schoolbuilding lalo pa’t taon-taon ay padami ng padami ang mga mag-aaral sa elementary at high school. Bukod pa riyan ang dagdag na mga antas na Grade 7 hanggang Grade 12 sa ilalim ng K-12 curriculum.

Ang solusyon dito ay ang paglalaan ng P15.6 billion ng Department of Education (DepEd) para sa pagpapatayo ng mga paaralan na matitibay at “disaster-resilient” ngayong taon.

Ang kakulangan ng kuryente sa mga tinatawag na “last-mile schools” o mga paaralan sa mga liblib na lugar ay bibigyang solusyon rin ni VP Sara. Magbubuo ng mga e-classroom package ang DepEd na may mga laptops, charging carts, wireless routers at smart TV para hindi maantala ang pag-aaral ng mga estudyante.

Lilikha ng bagong strand sa DepEd para lang matutukan ang kakailanganing imprastraktura sa education sector.

Isa ring haharapin ng DepEd ay ang pagrerepaso ng K-12 curriculum para matupad ang layunin nito na makapagpagradweyt ng mga estudyanteng puede ng makapagtrabaho. Gagawing makabago ang curriculum para ang mga skills ng mga graduate ay angkop sa digital age.

Ilan lamang yan sa mga solusyon at plano na inilatag ni VP Sara. Marami pa siyang nabanggit na mga pangangailangan ng edukasyon sa bansa na hindi lang gobyerno ang dapat kumilos kundi maging ang pribadong sektor. Tiwala tayo na tututukan at aaksyunan itong lahat ni VP Sara.

Bago ako magtapos, gusto ko lang pong magpasalamat sa lahat ng tumatangkilik sa atin linggo- linggo. Mahigit isang taon din po na tayo ay nagsulat sa ilalim ng titulong May Problema, May Lunas. Pansamantala muna po tayong magpapaalam at muling babalik sa pagsusulat sa ilalim ng isang bagong kolum. Antabayanan ‘nyo po. Muli, maraming salamat po.

Anong masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on