WebClick Tracer

Friday, March 31, 2023

MORNING NEWS
NIGHTLY NEWS
BREAKING NEWS
ALL NEWS
OPINION

Tamang pamamaraan sa pautang

Marahil ay may narinig na kayong nakakalungkot na kwento tungkol sa mga naging biktima ng mga nagpapautang online. Hindi lang mataas maningil ng interes ang ilang online lender kundi gumagamit pa ng mapang-abusong pamamaraan para makapaningil sa pinautang.

Naglitawan ang mga reklamo tungkol sa mga online lending app noong panahon ng pandemya. Ang karaniwang hinaing ng mga umutang ay kapag hindi ka nakabayad sa takdang oras, ang gagawin ng mga nasa likod ng mga online lending app na ito ay ipapahiya ka sa pamilya at mga kaibigan mo.

May paraan sila para makuha ang listahan ng iyong contacts sa Facebook, social media apps at maging sa iyong cell phone. Ipapahiya ka at ipapamalita sa pamamagitan ng pagtetext sa mga kapamilya, kaibigan, at minsan pa nga ay maging sa mga kaopisina mo, na hindi ka nakakabayad ng utang.

Ang iba ay mas grabe pa diyan ang ginagawa. Iinsultuhin, mumurahin at babantaan pa ang buhay ng may utang. Minsan ay kahit nakabayad na ay patuloy pa rin ang ginagawa nilang pangha-harass sa mga biktima nila.

Ang mga ganitong online loan shark ay umusbong noong panahon ng pandemya at patuloy pa ring dumadami dahil na rin sa bilis ng usad ng teknolohiya. Napakadaling umutang gamit ang online lending apps dahil karaniwan ay nagpapahiram ng pera ang mga ito ng walang collateral para makaakit ng mga borrower. Ilang click lang ay pauutangin ka na. MInsan pa nga ay auto-approved na agad ang iyong loan na hindi naman kalakihan ang halaga pero lumolobo sa katagalan dahil sa taas ng interes pa pinapataw.

Nagsimulang kumilos noon ang administrasyon ng aking ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga online loan shark sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mga panuntunan sa online lending.

Una na rito ang pagpapasara sa mga online lending company na hindi rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) at sa iba pang ahensya ng pamahalaan kung saan kailangan silang kumuha ng permit o lisensya. Nagpalabas rin ng mga regulasyon para lagyan ng limitasyon ang interes sa pautang at iba pang sinisingil ng mga lending company.

Nakipag-ugnayan rin ang SEC sa Google para mai-screen ang mga naa-upload na online lending app sa Google Play. Ito ay para matiyak na mga rehistrado at lisensyadong online lender lang ang mailalagay sa Google Play Store.

Para mapagtibay pa ang mga hakbanging ginawa ng administrasyong Duterte at lalong maprotektahan ang mga konsyumer, naghain ang inyong Kuya Pulong kasama si Benguet Congressman Eric Yap ng bill para matigil na ang harassment, pagbabanta, paninira at iba pang maling pamamaraan ng pangongolekta ng utang.

Ipinagbabawal sa aming House Bill (HB) 6681 ang pag-access sa phonebook o listahan ng contacts ng mga may utang at pagpo-post ng pribado at sensitibong impormasyon sa layuning pahiyain sila sa publiko. Pinapatigil rin ang paggamit ng mga pagbabanta, pang-iinsulto at pambabastos para siraan at i-harass ang may utang.

Para maging patas para sa lahat ng panig, may mga probisyon rin sa bill na nakasaad na may karapatang maningil ang mga lending company ng pautang sa maayos , makatwiran at legal na mga paraan.

Malaking tulong ang teknolohiya para sa ating lahat lalo pa’t patungo na tayo sa tinatawag na digital economy. Sa kasamaang palad, maari rin magamit ang teknolohiya sa mali at ilegal na gawain. Kumikilos ang Kongreso para matulungan ang mga ahensya ng gobyerno na mahadlangan ito.

Anong masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

Una sa Balita

Popular sa Abante

TELETABLOID

Follow Abante News on