Hiniling ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero sa mga economic manager na ilantad sa publiko kung ano talaga ang pakay sa planong paglikha ng Maharlika Investment Fund (MIF).
“Ano ba talaga ang pakay?” giit ni Escudero matapos makulangan sa paliwanag ng mga economic manager sa pagdinig ng Senado sa panukala noong nakaraang linggo.
“Hindi puwedeng jack of all trades master of none. Hindi puwedeng shotgun approach ang gagawin nila. Hindi puwedeng bahala na ang board of directors,” hirit ng senador sa interview ng DZBB nitong Linggo.
Aniya, hindi pa matumbok ng mga opisyal ng administrasyong Marcos kung saan talaga gagamitin ang MIF at kung may siguradong kikitain ba dito ang mga maglalagak ng puhunan.
“Sa ngayon, parang fruit salad ang kanilang mga objective depende sa kausap mo sa dami ng may-akda nito,” ayon sa senador.
Nilinaw naman ni Escudero na hindi siya lubusang tutol sa pagtatag ng sariling wealth fund ng Pilipinas pero dapat umanong ayusin ng mga nagsusulong kung ano talaga ang pakay at gustong makamit ng MIF.