Para po sa ating kolum today, nais ko naman pong talakayin itong panukala natin na kaaapruba pa lamang sa Kamara na gagarantiya sa karapatan ng bawat Filipino sa kanyang relihiyon o pananampalataya.
Ito po ay ang House Bill (HB) 6492 o Magna Carta on Religious Freedom Act.
Saklaw ng panukalang ito na maprotektahan tayong lahat laban sa anumang diskriminasyon kaugnay ng ating relihiyon.
Umaapela po tayo sa ating mga senador na ipasa na rin ang kanilang bersyon sa panukalang ito.
Ang mabilis na pagpapasa ng Kongreso sa Magna Carta para maging isang ganap na batas ay magbibigay po ng ibayong proteksyon sa ating lahat pagdating sa usaping relihiyon o pananampalataya.
Magagarantiyahan na nito ang ating karapatan sa ilalim ng Section 5, Article III ng 1987 Constitution, na nagsasaad na malaya tayong makakapili at magawa ang mga dapat naging gawin kaugnay ng sinusunod nating relihiyon nang hindi tayo napapakialaman ng gobyerno o ng sinumang indibidwal o anumang organisasyon o institusyon.
Sa ilalim po ng House-approved na Magna Carta, nakasaad na “no act of the government or any of its agencies, instrumentalities, officers or employees shall burden, curtail, impinge or encroach on the person’s right to exercise one’s religious belief, freedom and liberty of conscience.”
Aatasan din ng Magna Carta ang gobyerno na bawalan ang sinumang juridical person o anumang grupo na kumakalaban dito sa ating religious freedom.
Noon pong Agosto 2022 ay naghain ng counterpart measure sa Senado—ang Senate Bill (SB) 1043—at ito’y nasa committees on justice and human rights and on cultural communities and muslim affairs. Sana po ay ma-aksyunan na agad ito ng ating mga kapwa mambabatas sa kabilang kapulungan.
Samantalang itong HB 6492 ay isa po sa mga panukalang mabilis ipinasa ng Kamara nang magbukas ang 19thCongress noong Enero 23 matapos ang month-long yearend break.
Inaprubahan ito sa botong 256-1 na may tatlong abstentions. Ang HB 6492 ay inendorso sa plenaryo ng House committee on human right na pinamumunuan ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr.— sa ilalim ng Committee Report No. 200 bilang substitute sa HB 278, na inakda naman ng inyong lingkod kasama ang tatlong CamSur representatives; at HB 2213, na ipinanukala naman ni CIBAC Rep. Eduardo Villanueva.
Ang panukalang Magna Carta ay hindi maia-apply sa karapatan ng gobyerno sa pagpapatupad ng mga batas kaugnay ng police power nito.
Ang Magna Carta ay nagmamandato sa ating pamahalaan na i-promote ang karapatan ng alinmang religious group na pangasiwaan ang kanilang mga sariling paniniwala at gawi nang hindi napapakialaman o naiimpluwensiyahan ng pulitika, ayon sa kasalukuyang na mga batas, patakaran at mga alituntunin.
Nire-require din ng Magna Carta ang ating gobyerno na protektahan at i-promote ang karapatan ng isang tao na mabigyan ng pantay na oportunidad at pagtrabaho, at maprotektahan laban sa diskriminasyon sa paghahanap ng trabaho nang dahil sa kanilang religious belief at affiliation.
Sa pamamagitan din ng HB 6492 kikilalanin ang karapatan ng mga business outfit na magtatag ng kumpanya, tanggapan at operasyon alinsunod sa kanyang relihiyon subalit kailangan lamang na nasusulat ang mga ito at isasama sa kanilang company’s vision and mission upang maprotektahan ng Magna Carta.
Sa ilalim ng HB 6492, 12 karapatan ang mapoprotektahan tulad ng:
· Right to Choose a Religion or Religious Group;
· Right to Exercise or Express Religious Belief, Practices, Acts or Activities;
· Right to Act in Accordance with Conscience;
· Right to Propagate Religious Beliefs;
· Right to Disseminate Religious Publications;
· Right to Religious Worship and Ceremonies;
· Right to Organizational Independence;
· Right Against Discrimination in Employment;
· Right to Freedom Against Discrimination in Educational Institutions;
· Right of Companies or Businesses to be Founded on Religious Belief;
· Right of Parents or Legal Guardians to Rear Children; and
· Right to Tax Exemption.
Nakasaad din sa Magna Carta na binibigyang mandato ang Estado na protektahan ang karapatan ng isang tao na pumili ng relihiyon o religious group; at mai-promote ang kalayaan ng bawat tao na ma-exercise, at maihayag ang kaniyang religious belief, practices, acts or activities, indibidwal man o sa komunidad nang hindi naaapektuhan ng diskriminasyon.
Saklaw din nito ang kalayaan ng sino mang tao na kumilos ayon sa kanyang konsensya at paniniwala hanggat wala pisikal o material harm na ginagawa ibang tao at sumusunod sa public order and safety.
Subalit may exception na isinasaad ang Section 6 ng Magna Carta dahil ang karapatang ito ay puwedeng ma-deny, ma-regulate, o makontrol kung makikita ang dalawang bagay na ito: kung ang ginagawa mo alinsunod sa iyong relihiyon ay (1) nagdudulot ng karahasan at kung (2) may epekto na ito sa public safety, public order, health, property at good morals.
Kabilang pa sa mga poprotektahan ng estado ang karapatan para religious worship and ceremonies, gayun din sa indigenous cultural communities at indigenous peoples, na hindi sila pwedeng pakialaman o guluhin, bigyan ng kalayaan na i-manage ang kanilang affairs nang walang political influence at siyempre naman ay subject o susunod pa rin sila sa mga batas at mga regulasyon.
Sa ngayon po ay naipasa na ito sa Kamara kaya ang ating muling hiling ay pansinin naman ito at ipasa rin ng ating mga senador. Alalahanin po natin na hindi ito magiging batas kung walang partisipasyon ang mga senador. Kailangan maaprubahan ito ng Senado para matalakay sa bicameral conference o bicam committee at malagdaan pa ng Pangulo bago maging batas.
Alalahanin po natin na ang Magna Carta na ito ay naglalayong protektahan tayong lahat at ang karapatan natin sa ating kanya-kanyang relihiyon. Gaano man po kaganda itong nilalaman nitong Magna Carta na ito kung hindi naman papansinin at isusulong ng ating mga senador, wala rin itong mararating.
Sana ay wag na itong patagalin! Ito ang ating panalangin, hindi po ba?