Isiniwalat ni Willie Revillame na tinanggihan ni Senador Bong Go ang binibigay niyang P50 milyon kay dating Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
“I talked to Senator Bong Go. Sabi ko, ‘Puwede ba akong pumunta sa Presidente? Gusto kong mag-donate kasi sobrang blessed naman ako.
“Gusto kong magbigay ng tulong sa ating mga kababayan na kapus-palad during the pandemic. Alam ni Senator Bong Go ‘yan. Puwede ba akong magbigay ng tseke sa presidente? Gusto ko siya dahil siya ang pinagkakatiwalaan ko. P50 million cash, pera ko ‘yon,” kuwento niya sa ‘Wowowin’ noong February 4.
Hindi niya binanggit kung kailan ito nangyari.
Ngunit ani Revillame, sinabi umano sa kanya ni Go na hindi maganda para kay Duterte na tumanggap ng pera mula sa sino man.
“Sabi niya (Go), ‘Itulong mo na lang kung kaninong gusto mong itulong’,” ani Revillame.
Dagdag niya, ginamit na lang daw niya ang P50 milyon bilang pantulong sa mga lugar na sinalanta ng mga bagyo tulad ng Marikina, Montalban, Rizal, Catanduanes at Siargao.
Inungkat ito ni Revillame dahil sa mga natatanggap niyang batikos kahit na dapang-dapa na siya sa pagsasara ng mga programa sa AllTV ng bilyonaryong si Manny Villar. (Issa Santiago)