Kahit pa todo kuha ng mga big star ang All TV, hindi pa rin kinagat ng masa ang bagong network ng bilyonaryong si Manny Villar.
Ito’y matapos na mapabalitang tigil muna ang mga show ng All TV ng ilang buwan.
Kasama sa mga ipapahingang shows ay ang `MOM’ nina Ciara Sotto, Mariel Padilla at Ruffa Gutierrez, pati ang talk show ni Toni Gonzaga.
Ngunit ang nakakagulat pati ang established primetime show ni Willie Revillame na `Wowowin’ ay pinatigil rin ng All TV.
Batay sa source ng news site na Bilyonaryo, hindi raw kasi handang maglustay ng bilyon-bilyong pera si Villar para sa network.
Ang mga show raw kasi na nabanggit ay hindi nag-hit sa free TV dahil bigo silang umangat sa ratings at mahina rin ang pasok ng advertisement.
Sa kabila ng pagtigil ng mga show, nangako naman ang All TV na babayaran ang talent fee ng mga artista.
Matatandaan na nakuha ng Advanced Media Broadcasting System (AMBS) ang Channel 2, na dating hawak ng ABS-CBN. (Ray Mark Patriarca)